CHA-CHA PLEBISCITE SA 2025

EDITORIAL

GUSTO raw ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na isabay na ang plebisito sa Charter change sa 2025 midterm elections.

Ipinahayag ito ni Senate President Juan Miguel Zubiri. Ipinunto niya na kung gaganapin ang plebisito bago ang eleksyon ay gagastos ang gobyerno ng P12 hanggang P14 billion.

Sang-ayon naman ang Comelec sa nais mangyari ng Pangulo.

Kaya naman daw ng Comelec na isabay ang plebisito sa 2025 elections. Walang dagdag na gastos maliban sa dagdag na allowance ng mga guro.

Sinabi ni Zubiri na plano nilang aprubahan ang Resolution of Both Houses No. 6 bago ang sine die break ng Senado.

Inamin ni Zubiri na hindi nila kayang ipasa ang panukalang amyendahan ang economic provision ng saligang-batas dahil tatlong linggo na lang ang natitira sa sesyon bago ang summer break.

Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, legal na pagsabayin ang plebisito at eleksyon basta nakalagay sa Resolution of both Houses.

Dagdag ni Garcia na kailangang tukuyin ng Resolution ang mga probisyon na aamyendahan sa Konstitusyon.

Mainam na magdaos ng referendum para sa Cha-cha. Makabubuti ring isabay ito sa midterm elections para hindi na gumastos ang pamahalaan ng bilyones, na sa panahon ng kahirapan ay insulto ito sa mga nagbabata para maitawid ang buhay sa araw-araw.

Ang pagsangguni sa mga elektorado sa Cha-cha ay nagpapakita ng demokrasya na pabor sa karamihan.

Ngunit, ipinapakita na ang interes ng pamahalaan ay ang pag-amyenda sa saligang-batas, na hindi malinaw na hakbang para umasenso ang bansa.

Maraming isyu na dapat isaalang-alang at unahin, gaya ng seguridad sa pagkain, kalusugan, patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin, trabaho at iba pang larawan ng pagkadisgusto ng mamamayan.

Hindi Cha-cha ang magreresolba sa mga problema. Nasa uri ng mga lider ang pundasyon ng pag-asenso ng isang nasyon.

62

Related posts

Leave a Comment