CHINA ‘DI PINAPAPASOK SA PAG-ASA ISLAND ANG MGA MANGINGISDA NATIN 

KAKAMPI MO ANG BAYAN TEDDY

Napabalitang itinataboy ng mga Chinese fishing vessels ang mga Pinoy na mangingisda sa mga sandbars sa Palawan, ayon mismo sa mayor ng Kalayaan, Palawan na si Roberto del Mundo.

Lubhang apektado ang kabuhayan ng mga mangingisda natin dahil dito, dahil matagal na nilang pangisdaan ang katubigan na ito.

Dahil kinakamkam na ng China ang ating mga isla at katubigan na walang anumang pagkilala sa ating teritoryo, ani Bayan Muna chairman Neri Colmenares ay hindi natin dapat pagkatiwalaan ang bansang China.

Nitong Lunes lamang ay naglunsad ng kilos protesta ang Bayan Muna sa pangunguna ni Atty. Colmenares sa harap ng konsulado ng China sa Makati. Nagprotesta ang Bayan Muna sa pang-aagaw ng China sa ating teritoryo at ang maanomalyang kontrata na tila nagsangla na sa ating soberanya sa higanteng bansa.

Ibinunyag ni Atty. Colmenares kamakailan ang nilalaman ng maanomalyang kontrata ng Chico River Pump Irrigation Project na nagkakahalaga ng P3.6 bilyon. Ito ay pinirmahan nang pasikreto nina Department of Finance Secretary Carlos Dominguez at Ambassador Zhaojian Hua noong Abril 2018. Sa sinabing kontrata, napakataas ng interes at iba pang bayarin, at kung hindi nakabayad ang Pilipinas, maaaring kuhanin ng China ang mga pag-aari ng gobyerno. Pwedeng maangkin ng China ang mga seaport, airport, MRT, LRT at maging ang pasilidad para sa kuryente ng Pilipinas.

Mahigpit ang aming pagkondena sa Department of Finance sa pagpirma sa kontratang itong at lubhang pabor sa bansang China. Magiging paraan ito upang tuluyan nang kontrolin ng China unti-unti, ang ating teritoryo at ekonomiya. Hindi tayo dapat pumayag!

Tayong mamamayang Filipino ay humarap na sa maraming mananakop. Sa pagkakataong ito, hindi rin natin aatrasan ang bagong laban para sa ating teritoryo at soberanya! (KAKAMPI MO ANG BAYAN / TEDDY CASIÑO)

70

Related posts

Leave a Comment