CHINESE MILITIA READY TO ATTACK NA?

BISTADOR ni RUDY SIM

NAKAAALARMA matapos maaresto ng National Capital Regional Police Office sa isang townhouse sa isang exclusive subdivision sa Taguig City, ang isang Chinese national.

Nakuha ng pulisya sa nasabing dayuhan ang isang high powered long firearms, bullet proof vest at helmet na may tatak na China na pawang ginagamit na panggiyera.

Ayon kay NCRPO Chief, General Jose Melencio Nartatez, nagsasagawa na sila ngayon ng malalim na imbestigasyon upang matukoy ang katauhan ng dayuhan kung bakit mayroon itong kagamitang pandigma.

Bukod sa armas ay nakuhaan din ang dayuhan ng dalawang luxury cars kabilang ang isang Mclaren na kaduda-duda ang dokumento.

Hindi dapat balewalain ito ng pamahalaan dahil noong nakaraang taon ay nakahuli rin ang mga awtoridad ng matataas na kalibre ng mga baril sa isang townhouse sa Las Piñas City.

Ito kaya ay naghihintay lamang ng hudyat upang sakaling pumutok ang digmaan sa West Philippine Sea ay mayroon ng game plan ang mga Chinese para umatake at sakupin ang ating bansa?

Dapat bang imbestigahan ng Bureau of Immigration (BI) kung ilan bilang pa ng mga Chinese ang nasa bansa mula pa noong may proyekto ang Department of Tourism (DOT) na Visa Upon Arrival, kung saan pinaniniwalaang daang libo ang nakapasok sa bansa.

Sino ang dapat managot na travel agency na responsable sa pagpapapasok ng mga dayuhang Chinese sa ating bansa na hanggang sa kasalukuyan ay tuloy pa rin ang pagpasok sa NAIA ng mga ito.

Ang korupsyon na matagal nang kalakaran sa BI ang maaaring magpahamak sa seguridad ng bansa. Kung ating susuriin ay patuloy pa rin na ginagatasan ng mga tiwaling opisyales ng ahensya ang posibleng pagpapanggap ng mga dayuhan na sila ay turista o kaya ay magtatrabaho sa bansa kaya kumukuha ng 9g working visa.

Dapat na kayang ipag-utos ni Department of Justice (DOJ) Secretary Boying Remulla na limitahan o kaya ay pansamantalang itigil muna ang pag-issue ng working visa (kuno) sa mga Chinese?

Hihintayin ba muna ng ating pamahalaan na saan mang sulok ng ating bansa partikular sa NCR, ay marami nang condo units at subdivision na halos sinakop na ng mga Chinese na dito naninirahan, na posibleng ang karamihan dito ay spy na binabantayan ang kilos ng ating pamahalaan bago umatake kagaya na lamang nang nangyari noon na pag-atake sa Pearl Harbor na hindi inaasahan.

(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

44

Related posts

Leave a Comment