NAGBIGAY NG P100K NA PABUYA SI CHAVIT SA HUMULI SA KANYA!

MY POINT OF BREW ni JERA SISON

ALAM naman nating lahat kapag binanggit ang pangalan na Chavit Singson. Siya ay isang politiko. Matapang, walang inaatrasan. Mayaman. Malakas ang impluwensya sa kilalang mga politiko. Tuwing may laban ang ating “Pambansang Kamao” na si Manny Pacquiao noong kasagsagan ng kanyang karera sa boksing, palaging nasa tabi niya si Chavit Singson.

Si Chavit din ay maituturing na alamat kung pagdating sa babae. Maraming napababalita tungkol kay Chavit na nagkarelasyon sa magagandang mga babae. Ang masasabi ko lamang ay sanaol!

Subalit ang nangyari kamakailan sa kahabaan ng EDSA ay isang balita na tiyak ay pag-uusapan sa susunod na mga araw. Akalain ninyo, hinuli ang isang napakamahal na sasakyan na nagkakahalaga ng mahigit P25,000,000. Opo. Huwag kayo maduling sa dami ng zero. P25 million ang halaga ng sasakyan na hinuli ng MMDA traffic enforcers nang dumaan ito sa EDSA bus lane.

Makikita sa video na nagiging viral ngayon, na si MMDA deputy chief Gabriel Go ay nabigla nang makita nila na si Chavit Singson ang nakasakay sa nasabing mamahaling SUV. Marespeto naman ang mga traffic enforcer ng MMDA na ipinahinto ang convoy ni Singson. Sa katunayan ay nagpaliwanag si Chavit na nag-overtake lamang daw ang kanyang driver at napadaan sa bus lane nang hindi sadya.

Hindi maiaalis ang konting takot at nerbyos ng nasabing traffic enforcers. Eh si Chavit Singson ‘yan noh? Subalit ang nakatutuwa naman ay pagkatapos magpaliwanag si Chavit ay nilinaw at inamin niya na lumabag siya sa batas trapiko at handang magbayad ng karampatang multa.

Sumunod dito ay isang video ni Chavit ang lumabas sa social media na nagpapaliwanag siya sa nasabing insidente. Humingi siya ng paumanhin at nagsabi na huwag siyang tularan sa kanyang ginawa. Dagdag pa ni Chavit, sumasaludo siya sa pamunuan ni MMDA Chairman Don Artes sa tapat at patas na pagpapatupad ng batas trapiko.

Alam naman natin na barya lamang ang multa para kay Chavit. Subalit nagmagandang loob siya na magbigay ng pabuya sa humuli sa kanya sa halagang P100K. Huwaw!

Nilinaw ni Chavit na hindi ito suhol kundi isang patibay sa kanyang respeto sa tapat na lingkod ng mga alagad ng MMDA. Kung suhol kasi ito, malamang ay idineretso na niya ito sa traffic enforcers nang walang paalam kay Chairman Artes. Hindi rin dapat nagbayad ng multa si Chavit.

Ang insidenteng ito ay dapat hindi na kailangang palakihin. Bagkus ay tularan ang pag-amin ng pagkakamali ng kahit na sinong lumabag sa batas trapiko.

Ang hindi lang natin kayang tularan kay Chavit ay ang pagbibigay ng pabuya ng P100k. Dahil sa nangyaring ito, sumabit si Chavit!

42

Related posts

Leave a Comment