CONG. ARNIE TEVES MISTULANG NAKARMA

RAPIDO NI TULFO

MISTULANG tinamaan ng karma ang pamilya nitong si Cong. Arnulfo “Arnie” Teves dahil sa mga problemang kinahaharap ng mga ito ngayon.

Nagsimula ang sigalot sa mga Teves nito lang nakaraang taon matapos na masangkot ang anak nitong si Kurt Matthew Teves sa pananakit sa isang security guard sa isang subdivision sa Parañaque. Ang isyu ay nag-ugat sa mahigpit na pagpapatupad ng guwardiya sa mga patakaran ng subdivision sa mga sasakyan na pumapasok doon na walang kaukulang homeowner sticker.

Hindi nagustuhan ng batang Teves ang ginawa ng guwardiya at nakunan pa ito ng video na nag-viral sa social media.

Sa kainitan ng naturang isyu ay nadamay ang kongresista nang ipagtanggol nito ang anak. Isa sa mga nag-viral na post namin sa aming social media account ay ang naging sagutan sa pagitan ng kongresista at BITAG host Ben Tulfo na umabot na halos sa 15 million views.

At dahil nga sa madugong pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo ay muli na namang nagba-viral ang nabanggit na video. Dahil na rin sa pahayag ni Department of Justice Sec. Boying Remulla na si Cong. Teves daw ang nasa likod sa pagpatay sa gobernador, ayon sa resulta ng kanilang imbestigasyon.

Nagtatago na diumano si Teves sa bansang Cambodia kung saan ito raw kinakanlong ng isang drug lord sa naturang bansa. Nagdesisyon daw si Teves na huwag na munang umuwi sa bansa matapos na hindi pagbigyan ni House Speaker Martin Romualdez ang mga hinihiling nito. Nasuspinde rin ang kongresista matapos na mapaso ang petsa na itinakda ng Kamara de Representante na pag-uwi nito sa bansa.

Kung ako kay Cong. Arnie Teves ay makabubuting harapin na lang nito ang mga kasong isasampa sa kanya kaysa naman malagay siya sa “Most Wanted List” ng Interpol kapag nasampahan na siya ng kaso.

Siyanga pala, ubod ng yaman pala itong si Congressman Arnie Teves na nabunyag dahil sa sunod-sunod na raid na isinagawa ng PNP sa mga bahay nito sa Negros Oriental. Kung saan ilang high-powered weapons na walang kaukulang lisensiya ang nakumpiska.

Ayon sa isang artikulo sa isang website, lalabas daw sana ng Negros Oriental ang anak ni Cong. Teves na si Kurt Matthew gamit ang kanilang private jet pero ito ay napigilan ng mga awtoridad.

Mayroon din sariling helicopter si Teves na may pangalan nito, hindi pa kasama ang mga mamahaling sasakyan ng pamilya nito. Nakadeklara ba ang lahat ng mga ito sa kanyang SALN? (Statement of Assets Liabilities and Networth)?

321

Related posts

Leave a Comment