COURT MARSHALS DAPAT NOON PA

PRO HAC VICE

Sa totoo lang, noon pa sa panahon ng yumaong si Supreme Court Chief Justice Renato Corona, nagpahiwatig na ito na sana makita naman ng mga mambabatas ang kalagayan ng mga hukom at mahistrado na nakatatanggap ng pagbabanta sa kanilang buhay dahil lamang sa pagganap ng mga nakaatang na tungkulin.

Kaya lamang, dahil sa hindi feel ng nakaraang administrasyon si CJ Corona at ginawa ang lahat para siya ay mapatalsik sa puwesto ay wala ring isa man sa mga mambabatas noon ang nagpanukala gaya ng ginawa ni House Deputy Speaker Johnny Pimentel dahil baka kasi mawalan sila ng pondo.

Galit kasi ang Aquino administration kay CJ Corona, kasi nagpalabas ng kautusan ang SC en banc noong Corona Court na i­pamahagi sa mga magsasaka ang lupain ng Hacienda Luisita.

Sa hinaba-haba ng panahon at ilang pangulo ng bansa ang nagdaan ay hindi nangyari ‘yun kundi sa panahon pa ni Noynoy Aquino.

Ikinatuwa naman ng buong hudikatura ang pag-ukol ng pansin ni House Deputy Speaker Pimentel sa sigaw ng judges makaraang isumite nito ang House Bill 5403, na bubuo ng office of the Philippine Marshals Service na pangangasiwaan ng Supreme Court.

Ayon nga kay Court Administrator Jose Midas Marquez, aspirante para maging associate justice ng Korte Suprema, isang napakalaking bagay ang naturang House Bill partikular sa mga hukom kung tuluyan na itong makapasa at maging batas dahil makatutulong ito nang malaki sa pagganap ng judges sa kanilang mga sinumpaang tungkulin.

Ayon pa sa kanya, napapanahon na upang ‘di naman mistulang target practice na lamang ng mga kriminal o sindikato ang judges na gumaganap lamang ng kani-kanilang tungkulin.

Dapat na magkaroon na ng marshals ang mga hukom at mahistrado na siyang magbibigay ng seguridad sa mga ito, kasama na ang mga pasilidad ng hudikatura.

Batay naman sa pinakahuling datos ng Office of the Court Administrator, umaabot na sa 31 mga hukom ang mga napatay ng mga kriminal simula pa noong 1999 hanggang ngayon. Ang pinakahuli nga nito ay si Judge Mario Bañez na in-ambush at napatay sa La Union nitong nakalipas na Nobyembre a-singko lamang. (Pro Hac Vice /  BERT MOZO)

215

Related posts

Leave a Comment