COWD DAPAT PAHALAGAHAN ANG KANILANG OBLIGASYON

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

ISA sa pangunahing pangangailangan ng tao ang tubig. Ika nga, water is life.

Kaya sinisiguro ng Cagayan de Oro Bulk Water Inc. (COBI) ang walang patid na daloy ng mahahalagang serbisyo at pagpapanatili ng mataas na kalidad ng tubig para sa mga residente ng Cagayan De Oro City.

Kaya pinaalalahanan ng COBI ang Cagayan de Oro City Water District (COWD) na unahin ang kanilang pagbabayad ng mga buwanang invoice at pagsunod sa mga obligasyon bilang kontraktuwal sa interes na mapanatili ang pagkakaloob ng malinis na tubig sa mga residente at mga nagnenegosyo sa Cagayan de Oro City.

Nababahala ang COBI dahil laging naaantala at tila umano winawalang-bahala ng COWD ang obligasyon bilang cooperative partnership para sa serbisyong pagkakaloob ng malinis, ligtas at maaasahang tubig sa kanilang lungsod.

Bumuo na si Cagayan de Oro City Mayor Rolando Uy ng task force na pamumunuan ni Councilor Edgar Cabanlas para imbestigahan ang transaksyon sa pagitan ng COBI at COWD, na kailangan nang mamagitan dahil apektado na ang libong residente sa krisis sa tubig.

Ang COBI na siyang primary water distribution firm sa Cagayan de Oro ay naitatag noong August 14, 2017, at joint venture ng Metro Pacific Water na pag-aari ng negosyanteng si Manny Pangilinan, at ng COWD. Hawak ng Metro Pacific Water ang 95% equity at ang COWD sa natitirang 5% at ang responsibilidad sa distribution at supply ng tubig para sa siyudad.

Nanggagaling ang bulk water supply ng COBI sa Rio Verde na kompanyang pag-aari ni Pepito Alvarez na nag-o-operate ng water treatment facility sa Baungon, Bukidnon. Ito ay may kapasidad sa pagproseso at pag-supply ng 100 million liters na tubig kada araw.

Nitong huling linggo ng Pebrero ay nawalan ng tubig ang mga residente dahil pinutol ng COWD ang water supply sa 26 barangay sa lungsod dahil inaayos umano ang mga broken pipe distribution system.

Naibalik lamang ang water supply sa malaking bahagi ng Cagayan de Oro nitong Marso 4.

Ang hirap na walang tubig at higit na mahirap kung saan sasalok.

Buti, naging abala ang mga ang fire truck at mga water tank mula city hall, Bureau of Fire Protection (BFP), at iba pang pribadong kompanya para sa pagkakaloob ng tubig sa mga apektadong lugar.

Buti may saklolo mula sa nagmamalasakit sa kapakanan ng mga residente. Pero iba pa rin kapag may tiyak at regular na maaasahang daloy.

Ipinabatid na ng COBI, na siyang main supplier ng treated water sa COWD, sa Cagayan de Oro City Government ang tungkol sa unpaid water bills na P430 milyon ng COWD. Ito ay ikalawang disconnection notice.

May obligasyon ang COWD sa pagkakaloob ng tubig sa mga tao at negosyo sa sakop na lugar, at obligado ring silang asikasuhin ang responsibilidad na kasama sa pinasok nilang tungkulin.

Puwede naman daanin ang pagbabayad sa maayos na usapan at kasunduan.

64

Related posts

Leave a Comment