DA NAGIGING DI

DPA ni BERNARD TAGUINOD

MUKHANG tama ang mga kritiko ng administrasyon na ang Department of Agriculture (DA) ay nagiging DI, hindi dance instructor kundi Department of Importation dahil ang laging solusyon nila sa problema sa supply ng pagkain ay importasyon.

Matapos ang importasyon ng sibuyas at asukal ay bigas naman ang planong angkatin ng DA sa pamamagitan ng National Food Authority (NFA), dahil kulang daw ang buffer stock gayung panahon ng anihan.

Ang hindi na lang yata natin inaangkat ay itlog dahil maiksi ang buhay kumpara sa ibang agricultural products tulad ng bigas na taon ang itinatagal.

Naturingan tayong agricultural country pero lahat na lang ay inaasa natin sa sobrang produksyon ng ibang bansa pero hindi naman nakikinabang ang mga consumer kundi ang mga importer lang.

Noong 2022, umabot sa 3.2 million metric tons ang bigas na inangkat ng Pilipinas, ayon sa Bantay Bigas, pero wala akong naalala na bumaba ang presyo nito sa merkado.

Nawala ang NFA rice na P27 lang ang presyo sa merkado nang alisan ng pakpak ang ahensya matapos maging batas ang Rice Tariffication Law noong unang bahagi ng 2019 at ang ipinangako noon ng mga mambabatas na bababa ang presyo ng pangunahing pagkain ng Pinoy sa pamamagitan ng batas na ito, ay hindi nangyari.

Ibig sabihin, ang nakinabang lang sa batas na ito ay ang mga rice importer dahil maging ang binili nilang palay sa mga lokal na magsasaka sa bagsak na presyo ay naibenta nila nang mas mataas sa mga consumer.

Nilugmok na nila ang mga magsasaka, pinagkakitaan pa nila nang husto ang mga consumer pero bingi pa rin ang gobyerno na amyendahan ang batas na ito ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

‘Yung tulong na P5,000 kada magsasaka mula sa buwis na nakokolekta sa imported rice, hindi nila ramdam ‘yun dahil tanging ‘yung mga may-ari ng dalawang ektarya o mas mababa ang sukat ang nabibigyan lang at wala ring silbi ang halagang ito dahil biglang nagtaasan ang presyo ng binhi at abono.

Magtataka ka dahil kung kailan nag-aanihan ay saka mag-aangkat ng bigas ang NFA. Meron bang nagtatago ng mga bagong aning palay? Tingin ko hindi pa nagigiling ang mga ‘yun para maging bigas ah.

‘Yung katuwiran ng DA na tumaas kasi ang farm gate price ng palay, ang isa sa mga dahilan kung bakit kailangan daw tumaas ng P5 ang bawat kilo ng bigas, ay tingin ko wala sa hulog.

Bago ang batas na ito, P18 hanggang P19 na ang bentahan ng palay na fresh o hindi pa naibibilad habang ang tuyo na ay P22 hanggang P23 at ngayong ibinalik na ang presyong ito baka makabawi naman kahit papaano ang mga magsasaka saka sabihin ng DA na tumaas kasi ang farm gate price?

Mapapatanong ka tuloy: Ang mga nasa DA ay may experience ba talaga sa pagsasaka? Alam ba nila ang tunay na kalagayan ng mga magsasaka o hanggang sa loob lamang sila ng kanilang opisina?

Hindi kaya palabas lang din ang African Swine Fever (ASF) para ang meat importers naman mag-i-import ng karne para sila naman ang kikita pagkatapos tumiba ang rice industry, sugar industry, onion industry players? Nagtatanong lang sa DI.

93

Related posts

Leave a Comment