DAHIL ‘YAN SA KORUPSYON

DPA ni Bernard Taguinod

KUNG walang katiwalian hanggang sa ibaba ay hindi basta-basta makapapasok ang mga dayuhan na kuwestiyonable ang mga pagkatao at maging ang kanilang mga gagawin sa ating bansa ay hindi maisasakatuparan, kaso malala ang korupsyon eh, kaya nangyayari yan.

Ang bulung-bulungan dati ay nasa Malacañang lang ang mga tiwali lalo na noong panahon ng diktadurya pero ngayon ay nahawa na hanggang sa ibaba dahil may ordinaryong mga empleyado na ang nasasabit sa katiwalian.

Kaya hindi ako nagtaka na maraming Chinese nationals na wanted sa China ang nakapagnenegosyo pa sa ating bansa, nasasangkot sa ilegal na droga, hacking at iba pang krimen tulad ng murder, kidnapping with ransom, prostitusyon at illegal gambling.

Hindi makalulusot ang mga Tsekwang ito kung walang korupsyon pero dahil malala ang problemang ito at nahawaan na ang mga nasa ibaba, ay madali na silang nakapapasok sa ating bansa at naghahasik ng lagim.

May isa ngang dating security guard sa isang ahensya ng gobyerno na malala ang katiwalian at naging runner ng mga nandadaya sa buwis at nang matutunan ang pasikot-sikot sa ipinapatrabaho sa kanya ay nagsarili siya at naging big time na.

Sa kanyang pagtakbo sa isang local position sa Norte, alam niyang isyu ito sa kanya at ang sabi raw niya sa mga tao, “Hindi naman sa mga Filipino galing ang kanyang kayamanan kundi sa mga dayuhan”.

Pruweba ‘yan na hanggang ang mga nasa ibaba ay nahawa na sa katiwalian dahil kanya-kanyang nakaw na ang tiwaling mga empleyado. Hindi ba mayroong na-entrap na empleyado ng isang LGU sa Metro Manila, milyon na ang nahuthot nito sa isang aplikante ng building permit, ngunit hindi pa niya naibibigay ang permit dahil ordinaryong empleyado lang siya? Pruweba rin ‘yan.

Ngayon, itong Chinese nationals na nagkaroon ng lehitimong birth certificate, driver’s license, passport, ay hindi rin mangyayari ‘yan kung walang nangyayaring katiwalian hanggang sa ibaba.

Mantakin mo, ang daling mairehistro ang kanilang late registration sa kanilang kapanganakan sa ating bansa na siyang ginagamit nila para makakuha ng mahahalagang mga dokumento sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno?

Ang masaklap pa, ginagamit ang mga dokumentong ito para magtayo ng mga negosyo na gagamiting front sa ilegal na aktibidad tulad ng ilegal na droga katulad ng kaso ng isang Willy Ong na itinuturong may-ari ng bodega sa Mexico, Pampanga kung saan nakumpiska ang mahigit 500 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P3 billion.

Si Ong, walang koneksyon kay Dr. Willie Ong, ay may hawak na Philippine passport, driver’s license at iba pang mga dokumento na ginamit niya sa pagtatayo ng isang negosyo sa ating bansa pero nabuko na sangkot sa drug smuggling.

Tingin niyo, makakukuha ng ganitong mga dokumento si Ong kung walang katiwalian? At tingin n’yo nagpakita siya sa mga ahensyang pinagkunan niya ng mga dokumentong ito? Palagay ko hindi dahil sa kasabihan nga na “money talks”.

27

Related posts

Leave a Comment