DAMAY-DAMAY NA

SA TOTOO LANG

Pagdating talaga sa ilegal na droga lalo’t may hulihan na at tinuro nang salarin, susundan at susundan ito ng pagtuturo para hindi lang isa ang problemado sa isyu.

Isinangkot ni Pangulong Rodrigo Duterte noong isang taon ang dating opisyal ng Philippine National Police na si Police Col. Eduardo Acierto sa umano ay pagpuslit ng higit P4 bilyong halaga ng shabu gamit ang magnetic lifter.

Kahit pa siguro anong halaga ng shabu, basta malalaking pangalan o personalidad ang sangkot dito ay aalingasaw talaga ang isyu.

Dumipensa si Acierto at sinabing biktima lang siya ng set up dahil nagreport siya noong 2017 na isang malapit sa pangulo ang sangkot din umano sa ipinagbabawal na gamot.

Ang tinutukoy ng dating PNP official na malapit sa pangulo ay si Presidential Economic Adviser Michael Yang, na kilalang negosyante sa Davao.

Ayon pa kay Acierto ay may kasama pang sangkot sa isyu na isang Allan Lim na sinasabi umanong nasa likod ng malaking shabu laboratory sa Davao noong 2004.

Sa isyung ito, naglabas na rin ng komento ang Palasyo at sinabing galit na galit sa ganitong usapin si Pangulong Duterte. Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo na papatayin ni Duterte si Yang kung totoong sangkot ito sa bawal na droga. Kahiya-hiya nga naman ang ganitong pangyayari lalo pa’t patuloy ang kampanya ng pamahalaan laban sa ile-gal na droga.

Pero may sundo’t din ang Palasyo na kailangang mapatunayan ni Acierto na sangkot nga ang naturang Presidential Economic Adviser.

Ganitong damay-damay na, dapat ang imbestigasyon ay mas pangunahan ng ating pamahalaan. Malalaking tao naman pala ang sangkot dapat malalaking tao na rin sa pamahalaan ang mabilis na umaksyon para rito.

Matagal na palang lumutang ang pangalan nitong si Yang, sana noon pa lang nilaliman na ang imbestigasyon dito para sa puntong ito malaman na sino ang sangkot at kung sino lang nandadamay. Ang nangyayari kasi ay turuan na lang, kung may pagdinig sa usaping ito ay parang hangang pagdinig na lamang at wala naman talagang nakukulong o napaparusa-han. Kawawa lang ang Pilipinas sa ganito. (SA TOTOO LANG / Ann Esternon)

81

Related posts

Leave a Comment