DAPAT LANG IBASURA KUNG ‘DI RIN NAMAN NAKATUTULONG

EDITORIAL 

MAAARING maibenta ang bigas na mas mababa sa P30 kada kilo sa mga piling lugar sa Hulyo.

Ito ang sinabi ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez. Magtutulong umano ang House of Representatives at Department of Agriculture (DA) upang maabot ang layunin.

Ang pahayag ni Romualdez ay kasunod ng sinabi ni President Ferdinand Marcos Jr. na nais nitong bilisan ang pag-amyenda sa Rice Tariffication Law.

Nangako si Romualdez na aaprubahan ng Kamara ang panukalang amyenda sa RTL bago matapos ang buwan ng Mayo.

Pinagbabawalan ng RTL ang National Food Authority na direktang magbenta ng bigas sa mga pampublikong palengke, at limitado ang trabaho nito sa pag-ipon ng buffer stocks para sa mga kalamidad.

Gayunman sa kabila ng limitasyon sa RTL, ang National Food Authority (NFA) ay maaaring magbenta ng murang bigas sa mga KADIWA center.

Ang pag-amyenda ba ng RTL ay ganap na magbibigay proteksyon sa mga magsasaka at konsyumer mula sa mapagsamantalang mga negosyante?

Limang taon na ang RTL at kung bigo ito na maisulong ang interes ng sektor ng agrikultura at publiko, ay may punto ang panawagan ng Bantay Bigas na dapat hindi lang pag-amyenda ang gawin sa R.A. 11203 kundi tuluyan na itong ibasura.

Kailangang pag-aralan nang husto ng mga mambabatas ang tungkol sa RTL, at habang binubusisi ang anomang epekto nito – maganda o masama – ay pagtuunan muna nila ng atensyon ang kalagayan ng mga magsasaka, kasama ang suportang maibibigay sa mga ito para mapalaki ang lokal na produksyon.

Sana ay pakinggan ang boses st hinaing ng mga nagbubungkal ng lupa.

Mabilis na pagtugon ng gobyerno sa mga reklamo ng mga magsasaka ang kailangang itanim nang maganda ang aanihin.

Pero, kaya nga bang makapagbenta ng bigas na mas mababa sa P30 bawat kilo simula sa Hulyo?

Sa pinakabagong price monitoring report ng DA, ang pinakamurang bigas sa palengke hanggang nitong nakaraang buwan ay ang local commercial rice sa P49.44 per kilo, na mataas nang mahigit P19 sa puntirya ng mga mambabatas.

Baka abutin ng ilang taon bago matupad ang P30 kada kilong bigas o kaya tulad lang ito ng P20 bawat kilo na pangako noon ni PBBM. Hanggang pangako na lang.

50

Related posts

Leave a Comment