DAPAT MADISKARTE PERO RESPONSABLE

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

ANG init! ‘Yan ang karaniwang reklamo ngayon dahil talaga namang nakaiinit ng ulo ang init ng panahon.

Pansinin nyo’t naglalabasan na naman ang inflatable pool kahit pa may panawagan na iwasan muna ito dahil kailangan magtipid ng tubig.

Ang inflatable pool ay alternatibong pampawi ng init. Magtampisaw na lamang sa inflatable pool ang ginagawa ng karamihan na malayo sa beach o mga resort.

Payo ni El Niño Task Force spokesperson Assistant Secretary Joey Villarama, kung nais makaramdam ng ginhawa sa katawan, mas makabubuting uminom ng maraming tubig sa halip na magbabad sa inflatable pools na gumagamit ng maraming tubig.

Maganda ang ganitong panawagan, ngunit hindi kinagat ng ilan. Hirap nga namang magtiis sa init.

Pero hindi lang pagbababad sa inflatable pool ang babala dahil pati pagkain ng paborito nating halo-halo ay kailangan din daw mag-ingat.

Inulit ng Department of Health (DOH) ang panawagan sa publiko dahil posibleng magdulot ng sakit ang pagkain ng halo-halo.

Ayon kay Health Secretary Ted Herbosa, ang halo-halo ay may sangkap na maaaring makasira ng tiyan o magdulot ng diarrhea.

Karaniwan aniyang sakit ang diarrhea tuwing tag-init.

Ang bakterya ay maaaring tumubo sa matamis na sangkap at maging sanhi ng kontaminasyon, lalo na kung ang mga ito ay nakuha sa init ng summer. Maaari umano itong ma-contaminate at magdulot ng acute gastroenteritis, mahalagang tiyakin na malinis ang yelo na gagamitin sa paggawa ng halo-halo.

Ang gatas ay kailangang palamigin sa lahat ng oras upang maiwasan din ang pagkasira.

Noong Marso 2010, ibinabala rin ng noo’y Health Sec. Esperanza Cabral, ang pagkain ng malalamig gaya ng halo-halo dahil kalimitang madaling mapanis ang pagkain tuwing panahon ng tag-init.

Nagbabala naman ang isang health expert laban sa posibleng paglaganap ng ilang sakit na dala ng pagkain at tubig tulad ng typhoid fever, salmonella, at shigella.

Posible rin daw ang bacteria, viral at parasitic na impeksyon tulad ng amoebiasis, gayundin ang dengue.

Isa pang dapat bantayan ay ang heat stroke lalo na sa matatanda.

Ngunit kadalasan ay hindi nasusunod ang mga ipinapayo dahil na rin sa kagipitan at walang kakayahan ng iba na tupdin ang iminumungkahi.

Sa mga ganitong pagkakataon ay kanya-kanyang diskarte kung paano mapawi ang matinding init.

Ano man ang diskarte mo, tiyakin lang na hindi ito pag-aaksaya dahil pare-pareho tayong magdurusa kapag dumating ang panahon na nagkaubusan na.

Malaking problema ang kawalan ng tubig, gayundin ang kuryente kaya hinay-hinay tayo.

Sabi nga, maging madiskarte pero responsable.

41

Related posts

Leave a Comment