DATING DOH SEC. GARIN, ET AL HAHARAP SA KASO AT BAGONG BERSYON NG NANLABAN AT NANG-AGAW NG ARMAS

PRO HAC VICE

MUKHANG malilibot ni dating Department of Health (DOH) Secretary Janet Garin at iba pang respondent o suspek sa kasong reckless imprudence resulting in homicide ang buong hukuman ng Pilipinas upang sagutin o harapin naman ang nasabing kaso na nakatakdang ihain ng Department of Justice (DOJ) sa loob ng linggong ito.

Paliwanag kasi ni DOJ Secretary Menardo Guevarra na ihahain nila ang kaso kung saan naganap ang sinasabing krimen.

Ang kaso ay may kaugnayan sa unang batch pa lamang ng mga reklamong nakasampa sa DOJ sa kontrobersyal na programa ng DOH na pagtuturok ng anti-dengue vaccine na Dengvaxia vaccine.

Samantala sinabi naman ni Public Attorneys Office head Persida Rueda-Acosta na umabot na sa 120 na mga bangkay na biktima diumano ng Dengvaxia vaccine ang natapos na nilang isailalim sa awtopsya na may kaparehong findings sa mga nauna na nilang isinailalim sa naturang pagsusuri.

oOo

Kakatuwa naman talagang masyadong creative ang mga pulis pagdating sa palusot kapag mayroong napapatay na mga suspek na sangkot sa krimen.

Nitong nakalipas na linggo lamang ay dalawa na namang mga self-confess na gun for hire o hitman na kinilalang sina   Apolonio Flores, 37 y.o. at Prince Patrick Cortez, 32 y.o., ang napatay habang eskort ng dalawang pulis Maynila. Matapos namang isailalim sa inquest proceeding sa Manila Prosecutors Office dahil sa kasong paglabag sa RA 10591 o IIlegal Possession of Firearms.

Batay sa paunang report ng imbestigador ng Station 4 ng Manila Police District na diumano’y inambus ng mga hitman ang mga biktima habang sakay ng police mobile.

Pabalik sa Presinto 4 sa Sampaloc, Maynila kung saan diumano’y dinisarmahan ng mga suspek ang mga eskort na pulis na sina PO1 Joven Miguel na nagsilbing driver ng mobile car at PO2 Mark de Lima na kasamang nag-eskort sa mga napatay na mga biktima na sa nga­yon ay pinagbakasyon muna upang umano’y makarekober sa traumang inabot ng mga ito.

Batay naman sa paliwanag ng ilang mga opisyal ng Presinto Kuwatro na diumano’y posibleng pinatay ang mga biktima ng kanilang  mga dating mga kasamahan upang ‘di na makakanta o makapagturo pa kung sinu-sino ang kanilang mga kasamahan.

Mukhang malabo naman yata ‘yang paliwanag na ‘yan kasi kung totoo na mga kasamahan nila ‘yung umambush sa mga biktima eh bakit kailangan pa nilang patayin ang mga biktima eh ‘di ba dapat ni-rescue na lang nila dahil nadisarmahan naman diumano ng mga umambush ang mga police na nagbabantay sa mga biktima?

Ang nakapanghihinayang lang naman doon eh ang mga impormasyon na dapat makuha mula sa mga biktima para mabigyan din ng kasagutan ang mga kaso ng pagpatay na maaaring kinasasangkutan ng mga biktima na umamin na sila ay mga gun for hire o hitman. (Pro Hac Vice / BERT MOZO)

75

Related posts

Leave a Comment