NARCO-LIST DAPAT ILABAS

FOR THE FLAG

DAPAT lang na ilabas ang sinasabing narco-list na ki-nasasangkutan ng ilang tumatakbong mga kandidato ngayong darating na halalan.

Kung inosente ang mga ito e hindi dapat na matakot, pero karapatan ng taumbayan na makilatis nang husto ang mga kumakandidato para sa nasyunal at lokal na posisyon.

Sa pinakahuling listahan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), nasa 83 pa ang nakalistang narco-politician sa bansa.

Welcome rin ang napabalitang higit P1 bilyon na budget sa digmaan ng go­byerno kontra ilegal na droga. Tama ‘yan, bilyun-bilyon din ang budget ng kalabang mga druglord kaya makatwiran lamang na bil­yong piso rin ang itustos natin diyan.

Alam n’yo mga ka-bandila, ‘yang droga ay ginagamit din ng malalaking bansa upang guluhin ang ating bansa, dahil kung mananatiling may kaguluhan sa ating bansa ay swak na swak ang kani-kanilang mga agenda rito at mga interes.

Parang sa entablado ng mahika, kapag may nakalilibang na pangitain sa entablado e mag-isip ka na dahil tiyak na may nangyayari na hindi mo nakikita at bubulaga na lamang sa takdang pagkakataon.

Ganyan din sa pamahalaan at sa relasyon ng mga bansa, may mahika na pinaiiral upang ang isang bansa, lalo na ang tinatawag nilang third world country ay mamanipula.

Sino ba ang lumikha sa Abu Sayyaf? Bago ang Abu Sayyaf, ang CPP-NPA? Sino ang nagpalakas sa MNLF? Sino ang nasa likod sa paglikha sa MILF?

Ang Luzon at Visayas ay halos nababoy na lahat ang kalikasan nito, ang mga natural resources ay naibiyahe na patungo sa ibayong dagat. Medyo virgin pa ang Min­danao at talaga namang napakayaman kaya naglalaway diyan ang mga super-power.

Habang kinakamkam ang yaman ng ating mga lupain, tayo namang mga Filipino, nagtatalu-talo sa mga bagay na hindi na nga alam kung ano ang pinagsimulan, basta nagtatalu-talo at nakasanayan na.

Kailangan sana ng bansa ay pagkakaisa, ngunit kailan pa ‘yun? Mabuti na lamang at nakasumpong tayo ng isang pangulong may political will. Kaya ‘yang narco-list, ilabas na ‘yan! (For the Flag / ED CORDEVILLA)

70

Related posts

Leave a Comment