DAYAAN SA ELEKSYON BINABALEWALA NG MGA PINOY?

DPA ni BERNARD TAGUINOD

MARAMI na tayong nababasa na nagpapatunay na nagkadayaan noong nakaraang 2022 presidential election na pinanalunan nina Bongbong Marcos at Sara Duterte pero nakabibingi ang katahimikan ng mga Pinoy.

Hindi tumitigil ang grupo ni dating Department of Information and Communication Technology (DICT) Secretary Eliseo Rio sa paglalabas ng mga ebidensya na nagkaroon ng matinding dayaan sa nakaraang eleksyon pero mukhang hindi interesado ang mga Pinoy.

Unang inilabas ng grupo ni Rio na ang unang 20 million boto na nakuha raw ni BBM ay ipinadala ng isang private IP address at sabay na sabay na ipinadala sa server ng Commission on Election (Comelec) bagay na imposible kung tutuusin nga.

Ang pinakahuling ebidensya ng dayaan ay nang matuklasan na ang 5 presidential candidate ay pare-pareho ang botong nakuha sa magkakaibang presinto at siyempre, si BBM ang may pinakamaraming boto.

Saan ka nakakita na nakakuha ng 165 votes si BBM sa 23 presinto sa Manila, 117 vote sa 21 presinto, at 187 sa 21 pang presinto sa Manila at para hindi masyadong halata, ang dating Mayor ng Maynila na si Isko Moreno ay pumangalawa na may may 133 votes sa 15 presinto, 157 votes sa 15 presinto at 201 sa 15 iba pa.

Pare-pareho rin ang boto nina Leni Robrero, Ping Lacson at Manny Pacquiao na imposibleng mangyari at ang nagpadala ng botong ito ay pribadong IP address na hanggang ngayon ay hindi malaman kung kanino.

Ganyan din ang nangyari sa mga vice presidential candidate na pare-pareho rin ang botong nakuha.

Palagay ko, tinamad ang encoder at nag-copy paste na lang sa magkakaibang presinto sa botong ibinigay nila sa mga kandidato at malamang ay hayahay na ang buhay ng mga taong nasa likod ng pandarayang ito. Sila ang nagdesisyon kung sino ang mananalo at hindi ang taumbayan na nagsakripisyong pumunta sa presinto para bumoto.

Pero ang ikinalulungkot ko, bakit tila walang pakialam ang mga Pinoy kahit alam nilang dinaya sila. Hindi ang natalong mga kandidato ang nadaya dyan kundi ang mga botante dahil inalisan sila ng kapangyarihang magluklok ng mga lider na gusto nila.

Hindi ito ang unang pagkakataon na nagkadayaan sa eleksyon at nananalo ang nandaya tulad na lamang ng “Hello Garci” scandal noong 2004 presidential election na pinanalunan ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Hinayaan ng mga Pinoy na matapos ni GMA ang kanyang termino kahit may ebidensya na tumawag ito kay Garci para sa dagdag na boto at para matiyak ang panalo niya laban kay Fernando Poe Jr., na paboritong kandidato noon.

‘Yan ang problema sa atin, hinahayaan nating umupo at mamuno sa atin ang mga lider na hindi natin iniluklok kaya huwag na kayong magtaka na marami pang mga lider ang uupo na hindi tayo ang nagdedesisyon kundi ng katiwalian at kawalanghiyaan.

50

Related posts

Leave a Comment