PACIFIC OCEAN BALAK DIN TAYUAN NG MAN-MADE ISLAND NG CHINA?

PUNA ni JOEL O. AMONGO

HINDI pa nakuntento ang bansang China sa paglalagay nila ng mga man-made island sa West Philippine Sea, ngayon ay target naman nila ang Silangang bahagi ng Pilipinas na nasasakupan ng Pacific Ocean.

Ito ang sinabi ni ACT-CIS Representative at House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo, matapos mamataan ang ilang barko ng China sa naturang lugar kamakailan.

Ayon pa sa mambabatas na dati ring media, noong nakaraang Marso lang ay dalawang barko ng China na mga research vessel daw, ang naispatan sa Benham Rise.

Sinundan naman nitong nakaraang linggo, ng isa na namang research vessel ng China na naispatan sa Catanduanes, na tumakbo pa patungong Samar nang makita ng mga awtoridad.

Kung namataan ng ating mga awtoridad ang paglalayag ng mga barko ng China sa Silangang parte ng Pilipinas, ano ang ginawang hakbang ng ating mga awtoridad? Pinanood na lang ba nila ito, hindi man lang sila nag-radio message sa nasabing barko at pinaalalahanan ang mga ito na ang pinasok nila ay teritoryo ng Pilipinas?

Sa mga tao, kapag alam nilang hindi ka pumapalag sa ginagawa nila sa iyo ay hindi ka nila titigilan, mananatili at mananatili kang bubuhilihin ng mga ito.

Ganyan ang ginagawa ngayon ng China sa Pilipinas, paikot-ikot sila sa ating mga karagatan, ginagawa nila ang lahat ng gusto nila nang walang sumisita sa kanila, dahil alam nilang takot tayo sa kanila dahil malaking bansa sila.

Hindi lahat ng mga malalaki ay nananalo laban sa maliliit, basta alam mo kung ano ang kanilang kahinaan.

Nang magkaharap sina David at Goliath, tinalo ng maliit ang higante nang walang kahirap-hirap.

Aminin man o hindi ng ating pamahalaan, marahil kaya malayang nakapaglalayag ang mga barko ng China sa ating mga karagatan ay dahil wala tayong mga barko na regular na nagpapatrolya.

May maliliit namang mga bansa sa Asya na hindi naman ganoon ang pagtrato ng China katulad sa Pilipinas, marahil may nakikita sila sa atin na kahinaan natin.

At ang kahinaan na ‘yan ay wala silang nakikitang mga barko ng Pilipinas na regular na nag-iikot sa ating mga karagatan.

Iba kasi ang pinagkakaabalahan ng ating mga opisyal. Imbes na pag-isipan nila kung paano mapoprotektahan ang ating mga teritoryo ay kung ano-ano ang kanilang pinagkakaabalahan.

Ngayon, magtataka sila kung bakit malayang nakapaglalayag ang mga sasakyang pandagat ng mga Tsekwa sa ating mayamang karagatan.

Ibig sabihin niyan, sinusubukan tayo ng China kung papalag ba tayo o hindi.

Ngayon dahil wala tayong nagagawang kongkretong hakbang laban sa kanila, pati na sa Silangang bahagi ng Pilipinas ay malayang nakapag-iikot ang kanilang mga barko.

Kaya ‘wag na tayong magtaka kung sa susunod na mga araw ay may ginagawa nang isla ang China sa Pacific Ocean na teritoryo ng Pilipinas.

Mga taga-Batanes ‘wag kayong maging kampante, baka pinag-iisipan na ng mga Tsekwa na agawin sa inyo ang inyong lalawigan.

oOo

Para sa sumbong, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

41

Related posts

Leave a Comment