DEKWATAN

KAPE at BRANDY ni Sonny T. Mallari

“25 hanggang 40 porsyento” ng pondo sa bawat proyekto ng gobyerno ay dinedekwat ng mga korap sa pamahalaan. Ito ang rebelasyon ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong sa kanyang Facebook account nitong isang linggo.

Hindi na ako nagulat. Matagal nang nangyayari ang nakasusukang sistema. Ang korupsyon o ang pagnanakaw sa salapi ng taong-bayan ay para nang isang natural na praktika simula sa barangay hanggang sa nasyunal na antas ng pamahalaan.

Iba’t ibang lebel ang katakawan ng mga korap. ‘Yung iba ay kuntento nang makaparte mula sa napagkasunduang kick-back. Ang lahat ng pumirma sa dokumento ng proyekto ay may kanya-kanyang bahagi sa kabuuang kurakot.

#########

Pero meron talagang sagad na korap. Nagdidikta na siya ng kanyang sariling gayat sa kickback – mula 20 hanggang 30 porsyento ng pondo. Bahala nang kumupit para sa kanilang sarili ang iba pang kasabwat. Kaya may proyekto na nakalulula ang halaga subalit ampaw naman ang pagkakagawa. Dinugas kasi ang malaking bahagi ng pondo.

‘Yung ibang grabe ang kasibaan ay ninanakaw na ang buong pondo. Walang proyektong gagawin. Pepekehin na lang ang mga dokumento. Ito ang garapalang modus ng mga katulad ni Napoles, kasabwat ang suki niyang mga opisyal ng gobyerno na may “pork barrel”.

#########

Saan nagsimula ang ganitong praktika? Bakit ito nagpapatuloy na parang normal nang kalakaran sa ating pamahalaan?

Diretsahan na. Ang madalas na pasimuno ng dekwatan ay mga politiko (HINDI naman lahat) at mga pinuno ng tanggapan ng gobyerno.

Ikulong muna natin sa politiko. Likas bang praktika ito ng mga politikong Pinoy? Simula nang magkaisip ako at kahit na noong totoy pa, naririnig ko na sa radyo at nababasa sa peryodikong binabasa ng Daddy ko araw-araw sa aming bahay, ang salitang “graft and corruption”.

Nang maging peryodista ako at naging mapanuri sa mga kaganapan sa lipunan, ngayon ay nauunawaan at masasabi kong ang isang ugat sa pagiging manderekwat ng politiko – ang mga botante.

#########

Bakit hindi matututong magnakaw si politiko? Sa panahon ng kampanyahan ay target na sila ng mga botante – ginagatasan, hinihingan, kinokotongan at marami pang raket na paghingi ng pera.

Ang mga lokal na opisyal naman, ang ginagatasan ay ang mga kandidato sa nasyunal para ikampanya nila sa lokalidad.

At kapag hindi nagbigay ang politiko, ang agad na reaksyon: “Hindi ko ikaw iboboto! Kuripot ka!”. “Talo ka sa bayan ko!”

At kapag nakotongan, sisigaw na: “You’re the man!”

Ngayon, sino ang dahilan bakit maraming korap na politiko?

TAYO.

Marami sa atin ay ibinabase ang kanilang boto sa sinomang kandidato na makapagbibigay ng malaking pera. Wala nang kiber sa karakter ni politiko.

Hindi na kikilatisin kung ito ba ay magiging matapat sa tungkulin at tunay na maglilingkod para sa kabutihan ng mamamayan kapag nanalo.

#########

At dahil malaki ang nagastos ng politikong nanalo, saan at paano ito babawi? Presto! Sa pamamagitan ng panderekwat sa pondo ng gobyerno.

Kaya habang hindi tayo tumitino sa pagboto, magpapatuloy ang kurakutan sa pamahalaan.

Bakit tumutulo agad ang bubong ng iskul na ipinatayo ni politiko? Bakit walang gamot sa health center? Bakit sira agad ang bagong gawang kalye?

Ang sagot? Kasama tayo sa dahilan.

37

Related posts

Leave a Comment