DEMOLITION JOB VS GOV. DANIEL FERNANDO

TARGET NI KA REX CAYANONG

SA kasalukuyang klima ng pulitika sa Pilipinas, hindi na bago ang paggamit ng mga kaso ng graft and corruption bilang sandata ng mga kalaban sa pulitika.

Kamakailan, si Bulacan Governor Daniel Fernando, kasama ang kanyang mga opisyal at isang private contractor, ay ipinagharap ng reklamong graft and corruption sa Office of the Ombudsman kaugnay ng Bulacan Flood Control and River Restoration Project.

Sa isang press briefing, ipinahayag naman ni Fernando na ang reklamo ay isang “demolition job” na walang batayan sa batas o katotohanan.

Ayon kay Governor Fernando, ang mga paratang na nakasaad sa 9-pahinang complaint affidavit ni Francisco Balagtas, na nagpakilalang whistleblower, ay pawang mga kasinungalingan at walang katotohanan.

Tinawag niya itong isang kampanyang panlinlang at misinformation na isinagawa ng kanyang mga kalaban sa pulitika.

Binanggit din niya na ang proyekto ay hindi sakop ng Republic Act 9184 dahil walang pondong ilalabas mula sa kaban ng bayan. Ang proyekto ay ayon sa DENR Administrative Order No. 2020-07, kung saan ang pribadong sektor ang magbibigay ng financing, teknolohiya, at pamamahala para sa dredging activities.

Sa kanyang pahayag, iginiit ni Fernando na walang public procurement process ang kailangan para sa proyekto dahil ang pamahalaang panlalawigan ay hindi gagamit ng pondo ng gobyerno.

Sa halip, kikita pa ang lalawigan mula sa nasabing proyekto. Tiniyak din niya na ang lahat ng operasyon at development processes ng kanyang administrasyon ay sumusunod sa umiiral na mga batas at direktiba.

Sa kabila ng mga alingawngaw at akusasyon, mahalaga ang pagpapalaganap ng tamang impormasyon. Ang mga ganitong kaso ng demolisyon ay naglalayong sirain ang reputasyon ng mga opisyal na may integridad, at magdulot ng kalituhan sa publiko. Ang mga walang batayang paratang ay hindi lamang nakasisira sa reputasyon ng mga inakusahan kundi pati na rin sa tiwala ng publiko sa kanilang mga lider.

Ang hakbang ni Governor Fernando na utusan ang kanyang legal team na papanagutin ang mga nasa likod ng demolition job na ito ay isang mahalagang hakbang tungo sa katarungan. Hindi dapat palampasin ang ganitong mga taktika na naglalayong sirain ang tiwala ng publiko at hadlangan ang mga proyektong makabubuti sa komunidad.

Ang pagsusumikap ni Governor Fernando na ipagtanggol ang kanyang integridad at ang proyekto ay isang paalala sa lahat na ang katotohanan at katarungan ay dapat mangibabaw sa kabila ng mga pagsubok sa mundo ng pulitika.

19

Related posts

Leave a Comment