DICT TALO SA MGA SCAMMER

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

HUMIHILING na rin ang Department of Information and Communications Technology (DICT) ng P300 million na confidential funds para sa susunod na taon upang labanan ang scams.

Hindi nakakuha ang ahensiya ng confidential funds para sa surveillance ngayong taon, ayon kay DICT Secretary Ivan John Uy.

Teka, ‘di ba, ginawang batas ang SIM registration para mawala ang mga scammer?

Tapos sasabihin ng opisyal na parte ng mandato ng DICT na habulin ang mga scammer, na marami umanong paraan na ginagamit upang hindi matunton at upang makaiwas na mahuli o maaresto.

Parang inamin na rin ng ahensiya na ang SIM card registration ay palpak at hindi nagawa kung ano ang tunay nitong pakay. Mas mautak pa rin pala ang scammer kumpara sa mga nadenggoy na mga nagsulong at nagpatupad ng SIM registration.

Ano ba ang nangyayari sa administrasyon ngayon at usong-uso ang paghingi ng mga ahensya ng confidential funds?

Gagawa ng solusyon sa problema o kaya gagawa ng problema at ang gagawing sangkalan ay confi funds. Hihingi ng CIF dahil sa ginawang problema.

Sobra na ang pagkahumaling ng ilang ahensiya sa sikretong pondo kaya tumitindi rin ang hinala ng taumbayan sa dadaluyan nito.

Kaya ba gaya-gaya ang nangyayari dahil may kabuhayan sa CIF?

Kung scams ang lalabanan ng DICT, dapat gamitin nila ang parte ng ilalaang budget. Kung paiiralin ang sentido komon, hindi na sikreto kung scam ang puntirya at alam na kung saan gagamitin.

Tapos iaasa sa confidential funds.

Mahalaga raw ang confidential fund upang maisagawa ang intel at imbestigasyon nang mahabol ang mga kriminal. Ginawang dahilan ang very well-funded, very well-organized at very highly technical na organized syndicates at scammers kaya nakatali ang mga kamay ng ahensiya kung walang tamang gamit sa paglaban sa mga kriminal.

Ang sandata: confidential funds.

Bakit kasi ayaw ipaubaya ang trabaho sa may mandatong magsagawa ng intelligence at surveillance. Ang mga ahensya tulad NICA, PNP, AFP, NBI at iba pang nakatoka sa pagmamanman at pagtipon ng intelligence ang dapat kargahan ng dagdag-CIF.

Kanya-kanyang amot ng CIF gayong puwede namang gawing sentralisasyon ang mga ahensya na nakatalaga sa intelligence at surveillance.

Ang paghingi ba ng DICT ng intel funds ay produkto ng walang kwentang implementasyon ng SIM registration?

128

Related posts

Leave a Comment