DMW, BUNGAL SA MGA ABANDONADONG CARGO?

RAPIDO ni PATRICK TULFO

ISA na namang cargo company ang inilapit sa Rapido na umano’y tila hostage ang mga balikbayan box.

Ayon sa mga kaanak ng mga OFW na nagpadala sa CaPex o Cargo Padala Express, mahigit isang taon na umano nang magpadala ang kanilang mahal sa buhay sa UAE (United Arab Emirates) at hanggang ngayon ay hindi pa rin nila ito natatanggap.

Lagi umanong sinasabi ng mga tauhan ng CaPex na hindi sila binayaran ng counterpart nito sa UAE na WMC at FGTI kaya hindi nila ito idini-deliver.

Ang nakapagtataka ay bakit pa nito inilabas sa Bureau of Customs ang mga kahon gayung wala naman silang intensyon na i-deliver ang mga ito? (Binayaran ng Capex ang fees kaya ito ini-release ng BOC). Tila hostage ng mga ito ang mga kahon hangga’t hindi sil binabayaran ng kanilang counterparts sa UAE.

Nakipag-ugnayan naman ang Rapido sa Department of Migrant Workers (DMW) dahil sa paniniwala naming sakop ng mga ito ang reklamo ng mga OFW na nasa UAE.

Ayon kay Director Francisco S. Aguilar Jr. ng opisina ng Foreign Stakeholders Relations and Engagement Bureau, wala umanong ngipin ang DWM na magpapakilos sa mga ito na solusyunan ang lumalaganap na modus na ginagawa ng mga cargo company na nasa ibang bansa, kung saan biktima nito ang mga OFW na nag-iipon ng mga maipadadala sa Pilipinas.

Ito ay taliwas sa naumpisahan ng yumaong dating DMW secretary Toots Ople. Noong panahon ni Madam Ople, masugid silang makipag-coordinate sa Bureau of Customs upang solusyunan ang reklamo sa mga balikbayan box.

Hindi naman sinabi ng Rapido na aksyunan nila, sa halip ay umasa kami na kikilos sila sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa ibang sangay ng pamahalaan. Gusto yata ng DMW ay kami ang kikilos, sasama lang sila. Ibang-iba noong panahon ni dating Sec. Ople, na napakasipag. Ngayon… no comment! Nakadidismaya!

May mga batas na umanong nakita ang DMW kung paano sila kikilos sa mga katulad na reklamo.

36

Related posts

Leave a Comment