DOFW, PINAGHAHANDAAN NA RIN NG OFWs

AKO OFW

Mistulang piyesta ang mamamayan sa iba’t ibang grupo ng Overseas Filipino Workers, dahil sa magandang kaganapan na kung saan ay marami na ngayong senador at kongresista ang nagsusulong ng pagkakaroon ng Department of Overseas Filipino Workers (DOFW).

Sa nakaraang Araw ng Pasasalamat sa OFW noong Hulyo12 ay ipinaha­yag ni Presidente Rodrigo Roa Duterte na kanyang ipinangako na bago matapos ang taon ay maitatatag na ang bagong Department of OFW na muli niyang binanggit nitong nakaraang SONA.

Kahapon ay inihayag naman ni House Speaker Alan Peter Cayetano na kanyang ipinasok na rin kasama si Cong. Paulo Duterte ang panukalang batas sa pagkakaroon ng hiwalay na departamento para sa OFWs.

Dahil dito, maraming OFW leaders na nananawagan na dapat ay mga OFW rin ang mapiling mga mamumuno sa DOFW, kundi man lahat ay dapat ay 30 porsyento ng kawani nito ay OFW.

Para sa OFW na katulad ko, ay magandang mungkahi ito, dahil ito ay magbibigay ng pagkakataon para sa mga OFW na may mga kasanayan na sa mga nagaganap sa ating mga OFW at maging sa kultura ng ibang bansa. Ngunit sa aking pananaw, ay hindi dapat na pagiging isang OFW lamang ang dapat na maging batayan, kundi ang kasanayan ng isang OFW sa ganitong posisyon sa gobyerno.

Hindi biro ang humawak ng posisyon sa gobyerno lalo pa kung ang nakataya ay mga buhay ng mga manggagawang Filipino sa ibang bansa. Dahil bawat isang OFW ang nasa pighati ay may pamilya ito sa Pilipinas na umiiyak at nasasaktan din. Kung kaya, aking iminungkahi na upang mapagbigyan ng pagkakataon ang mga OFW na makapasok sa serbisyo sa Department of OFW, dapat na magtatag ng isang akademya na magtuturo ng mga dapat na tungkulin at pananagutan sakaling sila ay mapili.

Kahapon nga ay nanawagan na rin ang isa sa mga kilalang pinuno ng mga OFW na si Lito Soriano, na kung nagnanais na makapasok sa itatatag na DOFW ang sinumang OFW, ay dapat na ngayon pa lamang ay magsumite na ng kanilang Personal Data Sheet (PDS) upang maibigay sa mga bumabalangkas ng batas na mayroon talagang mga OFW na karapat-dapat na mapasama sa listahan ng pwedeng mamuno sa DOFW.

Mahirap nga naman na manawagan tayo na ma­ging patakaran na 30 porsyento ng manunungkulan sa DOFW ay mga OFW, gayung wala naman palang OFW na interesado. (Ako OFW / DR. CHIE LEAGUE UMANDAP)

263

Related posts

Leave a Comment