DSWD KAAGAPAY NG AETA COMMUNITY

TARGET ni KA REX CAYANONG

SA gitna ng patuloy na pagtugon ng pamahalaan ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. sa pangangailangan ng mga kababayang Aeta, tiyak na ipinahayag ni DSWD Sec. Rex Gatchalian na hindi sila maiiwan sa serbisyo ng ahensya.

Sa kamakailang pagbisita sa Aeta community sa Barangay Maruglu, Capas, Tarlac, binigyang-diin ni Secretary Gatchalian ang pangako ng DSWD na patuloy na tutugunan ang kanilang mga pangangailangan.

Ang nasabing pagbisita ay bahagi ng pilot program implementation ng Social Protection for Indigenous Peoples na pinangunahan mismo ng kalihim.

Umabot sa 633 pamilyang Aeta mula sa 9 na sitio ng Brgy. Maruglu ang natulungan sa programa matapos ang validation at interview sa mga benepisyaryo upang masuri ang kanilang socioeconomic situation, partikular na ang access sa basic services at social protection.

Sa kanyang pahayag, iginiit ni Secretary Gatchalian na ang DSWD ay may mandato na itaas ang antas ng pamumuhay ng mga mahihirap at bulnerableng sektor ng lipunan, kabilang na ang mga miyembro ng Aeta community.

Sinabi rin niya na ang pamahalaang nasyunal ay seryoso sa layuning ito, kaya’t patuloy ang ahensya sa pagsusulong ng mga programa at serbisyo na makatutulong sa pagpapabuti ng kalagayan ng mga ito.

Sa ganitong pananaw, muling napatunayan ang dedikasyon ng DSWD sa pag-alalay sa mga komunidad na nangangailangan ng tulong at suporta.

Ipinakita ng kanilang pagbisita sa Maruglu, Capas, Tarlac na ang pamahalaan ay handang lumapit at magbigay ng tulong sa abot ng kanilang makakaya, hindi lamang upang maunawaan ang mga pangangailangan kundi pati na rin upang iparamdam sa mamamayan na sila ay tunay na kinikilala at hindi pinapabayaan.

Makikita na sa kabuuan, ang pagtutok ng DSWD sa Aeta community ay hindi lamang pagtugon sa kanilang pangangailangan sa kasalukuyan, kundi isang pangako ng patuloy na paglilingkod at pag-aalaga sa kanilang kinabukasan.

Kaya naman, patuloy nating suportahan at bigyang halaga ang mga programa at serbisyong handog ng ahensya upang ang bawat miyembro ng Aeta community ay makaranas ng makabuluhang pagbabago at pag-unlad.

44

Related posts

Leave a Comment