ANG Taiwan ay binubuo ng mga masisipag na tao at dahil dito ay isa sila sa may pinakaprogresibong ekonomiya sa rehiyon. Isa rin silang magandang halimbawa ng bansa na may magandang energy security.
Kamakailan lang ay nakita ko ito mismo nang ako ay nagkaroon ng pagkakataong dumalaw sa Linkou Power Plant sa Taipei, Taiwan.
Noong 2014, ang pangunahing power plant dito ay nag-decommission ng dalawang 300MW coal plants na naitayo pa noong dekada 60. Dahil dito, kinakailangang gumawa ng paraan ang Taiwan para masiguro na magkakaroon sila ng bago at malalaking power plants na siyang makapagbibigay ng maaasahan at tuluy-tuloy na suplay ng kuryente. Ngayon, ang mga modernong pasilidad na mga ito ay nag-aambag ng 38% sa power requirements ng Taiwan.
Pinapatunayan lang nito na maganda ang epekto kung papalitan na ang mga lumang planta ng kuryente ng mga bagong planta na gumagamit ng makabagong teknolohiya at environment-friendly.
May installed capacity na 800MW kada unit ang Linkou Power Plant, at ito ay nakapagbibigay ng kabuuang capacity na 2,400MW para sa tatlong planta nito na gumagamit ng Ultra-Supercritical Boiler (One-Through) technology. Ang teknolohiyang ito ang nagbibigay kakayahan sa Linkou upang makamit ang mataas na antas ng plant efficiency na 44.93% (Gross, Low Heating Value o LHV). Ang nasabing plant efficiency ay mas mataas ng 7% kumpara sa mga boiler na gumagamit ng teknolohiyang sub-critical lamang.
Namuhunan ang Linkou ng halagang $4.92 bilyon para sa teknolohiyang ito, napaka-sulit nito para masiguro ang energy security nila at nasisiguro rin na hindi ito nakapipinsala sa ating kalikasan. Sa katunayan, dahil sa teknolohiyang ito ay naibaba ng Linkou ang carbon emissions nito ng hanggang 20% kumpara sa mga lumang planta nito. Ang kinukonsumo nitong uling kada kilowatt hour (kWh) ay bumaba rin mula 0.434 kg/kWh at naging 0.366 kg/kWh dahil sa isang aparatong nagbibigay ng advanced environmental protection. (Sa Ganang Akin / Joe Zaldarriaga)
172