ERC ANG DAPAT LAGING NAGPAPALIWANAG SA PUBLIKO TUNGKOL SA KORYENTE

MY POINT OF BREW Jera Sison

MADALAS na laman ng balita ngayon ang patuloy na pagtaas ng singil sa koryente ng electric cooperatives at pribadong power distributors sa bansa, kung kaya hindi maiiwasan na sa kanila nabaling ang reklamo ng mga konsyumer.

Kamakailan nga ay nag-anunsyo na ang electric cooperatives ng dagdag-singil sa kani-kanilang nasasakupang lugar dahil sa pagtaas ng presyuhan sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM) o sa mercado kung saan sila bumibili ng supply. Bukod pa riyan, mayroon ding producers ng kuryente na nagtaas din ng singil dahil sa iba’t ibang rason kagaya ng mas mataas na presyo ng fuel.

Ang tanong, napapanood o nababasa ba natin nang regular sa media ang ERC upang magpaliwanag sa pagbaba o pagtaas ng singil ng ating koryente? Kadalasan ay nagbibigay lamang ng pahayag ang ERC sa mga sitwasyon kung saan nagkakaroon na ng malaking kalituhan sa publiko tungkol sa pagtaas ng singil sa koryente.

Ang madalas kasi na hindi napapansin ng publiko bilang pangunahing salarin sa pagtaas ng singil sa koryente, ay ang power generation o mga planta na nagbebenta ng koryente sa power distribution at electric cooperatives. Himayin ninyo nang mabuti ang inyong electric bill at makikita ninyo kung ano ang pinakamalaking bayarin natin sa koryente. Ito ay ang power generation.

Kaya minsan ako ay nagtataka kung bakit kadalasan ay ipinauubaya na lang ng ERC sa electric cooperatives at sa power distribution ang trabahong magpaliwanag sa publiko. Kaya naman, kahit na hindi naman sa mga ito napupunta ang bayad sa supply, sila ang sumasalo ng galit ng mga konsyumer.

Natutuwa naman ako at may isang personalidad na may malawak na kaalaman sa industriyang ito na nagsalita tungkol dito. Hinamon ni Pete Ilagan, pangulo ng National Association of Electricity Consumers for Reforms (Nasecore), na dapat ang mga power producer o suppliers mismo ang magpaliwanag sa taong bayan kung ano ang dahilan ng pagtaas ng singil sa koryente.

Paliwanag ni Ilagan, responsibilidad ito ng supplier dahil singil nila at hindi ng distributor kagaya ng Meralco, ang tumaas. Dapat nga magpasalamat tayo sa Meralco at nagkukusang loob sila na regular na mag-anunsyo ng paggalaw sa singil at magsa-publiko ng detalye nito. Maaaring magbigay ng katwiran ang Meralco at iba pang power distribution utilities, isama na natin ang ang electric cooperative, na hindi nila obligasyon na magpaliwanag dahil hindi naman sila ang nagtaas ng singil sa koryente, kundi ang power generation companies!

Sa totoo lang, mahalaga rin na humarap ang power producers sa pagbibigay ng kaalaman sa mga konsyumers hinggil sa partisipasyon nila sa ating buwanang bayarin sa koryente. Sa aking palagay, mahalaga rin ang papel ng Energy Regulatory Commission (ERC) bilang regulator na mayroong oversight, sa sinisingil ng electric cooperatives at private distributors.

Hindi madaling maunawaan ang industriya ng kuryente kaya tiyak malaki ang magiging tulong kung makikiisa ang power producers, ang ERC at pati na rin ang Department of Energy sa malinaw at bukas na diskusyon tungkol sa paggalaw ng singil sa koryente.

Sa ganitong paraan ay maiintindihan ng mga konsyumer kung saan napupunta ang bawat pisong nakapaloob sa kani-kanilang mga electric bill na natatanggap kada buwan. At sa ganitong paraan din, ang mga konsyumer na rin mismo ang magkukusang gagawa ng paraan upang makatipid sa kanilang paggamit ng koryente para mabawasan ang kani-kanilang mga buwanang bayarin.

358

Related posts

Leave a Comment