ESTAFA VS NANDARAYA SA 4Ps?

PUNA Ni JOEL AMONGO

LAGOT, may paglalagyan na ang mga nandaraya sa pondo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Hahabulin daw kasi ng bagong kalihim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na si Secretary Erwin Tulfo ang mga manloloko, kakasuhan sila ng estafa.

Hindi n’yo kayang bulagin si Sec. Tulfo dahil matinik na mediaman ‘yan, lahat maging sino ka man ay kaya niyang banggain.

Kaya kayong mga hindi dapat tumatanggap o hindi kwalipikado na mabigyan ng ayuda ng 4Ps magbalut-balot na kayo dahil nalalapit na ang inyong mga araw.

Pati kayong humahawak sa mga probinsya ng 4Ps na ­ginagamit n’yo sa pamumulitika, yari rin kay Sec. Tulfo.

Kung noong nasa media pa siya ay maraming nagsusumbong sa kanya sa mga katiwalian at abusadong tao, palagay ko ngayon ay mas maraming magsusumbong sa kanya sa kalokohan diyan sa 4Ps.

May suhestiyon din ang PUNA kay Sec. Tulfo, silipin niya rin kung bakit inaabot ng 4 hanggang 6 na buwan bago inire-release ang pondo ng 4Ps.

Bakit ganun katagal bago i-release yan?

Akala ko ba Pantawid Pamilyang Pilipino Program ang tawag n’yan, bakit matagal bago inire-release sa mga benepisyaryo? Paano nga naman magiging pantawid ‘yan sa mga benepisyaryo sa kahirapan nila?

Ginawa ang 4Ps ng national government para magbigay ng conditional cash sa mga pinakamahihirap na pamilya.

Ito ay para mag-improve ang kalusugan, nutrisyon at ­edukasyon ng mga bata na may edad mula 0-18 taon.

Ang conditional cash transfer (CCT) ay ginaya ng Pilipinas sa Latin American at African na mga bansa.

Ang inatasan na magpatupad nito ay ang DSWD na pinamumunuan ngayon ni Sec. Tulfo.

Tawag sa pondo na ipinamimigay ng 4Ps sa mga benepisyaryo ay social assistance sa mga pinakamahihirap na pamilyang Pilipino.

Gagamitin ito ng pamilyang mahihirap para sa health check-ups para sa mga buntis at bata na may edad 0 hanggang 5 taon, deworming ng mga kabataang nag-aaral mula 6 hanggang 14-anyos, enrollment ng mga bata sa daycare, elementary at secondary schools at family development sessions.

Nag-o-operate ang 4Ps sa lahat ng 17 rehiyon sa bansa, na nakasasakop sa 79 probinsiya, 143 siyudad at 1,484 municipalities beneficiaries, sila ay pinili sa pamamagitan ng National Household Targeting System for Poverty Reduction (NHTS-PR).

Sa rami ng mga benepisyaryo ng 4Ps na ‘yan, bilyun-bilyong piso ang pinag-uusapan diyan kaya tama lang na silipin ni Sec. Tulfo.

Dapat talagang higpitan ‘yan para nagagamit sa tama, mayroon kasing mga benepisyaryo na nagagamit ang perang kanilang natatanggap sa bisyo sa illegal na droga at sugal.

Dapat ding hindi nagagamit ‘yan sa pamumulitika lalo na’t nalalapit ang barangay election sa Disyembre 2022.

Kawawa naman kasi ang mga kababayan natin na walang koneksyon sa barangay, munisipyo o siyudad na nakasasakop sa kanila.

Nangyayari kasi ang palakasan kaya ‘yung hindi dapat maging benepisyaryo ng 4Ps ay nakatatanggap pa rin ng pera.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0966-429-4612.

105

Related posts

Leave a Comment