HINDI NAMAN BIG TIME

DPA Ni BERNARD TAGUINOD

HINDI maituturing na big time ang rollback na ipatutupad ng mga kumpanya ng langis ngayong araw, Martes, nasa P80 level pa rin ang presyo ng mga produktong petrolyo.

Mahigit anim na piso lang ang ibababa ng presyo ng bawat litro ng diesel, gasolina at gaas at marami nga ang natatakot na pagkatapos ng price rollback na ito ay muling magtataas ng mas malaki ang mga kumpanya ng langis.

Ilang buwan na ang nakararaan, nagbaba ang oil ­companies ng mahigit P5 sa presyo ng kanilang mga pro­duktong petrolyo pero matapos lang ang isang linggo ay sinundan ito ng super big time oil price hike na umaabot yata ng P11 kada litro.

Hindi mo masisisi ang mga tao na matakot dahil hindi ba tuwing may oil price hike mas malaki at kapag nagbababa naman ay kakarampot as in barya kaya sabi ng mga tao ‘para tayong pinagloloko”.

Wala kasing nakakaalam kung ang umiiral na presyo sa lokal na merkado ay makatarungang presyo dahil bulag ang mga consumer sa ­presyuhan ng mga produktong ­petrolyo sa ating bansa.

Hindi kasi nila isinasapubliko ang kanilang gastos sa pagbili ng krudo, gastos sa transportasyon, logistic at iba pang gastusin para malaman kung ang ipinapataw nilang tubo ay makatarungan o overpricing.

Business secret daw kaya kahit anong ingay ng ilang mambabatas na i-unbundle na ang kanilang gastos ay hindi nila ginagawa kaya magdududa ka na meron silang itinatago.

Isa pa, bakit lingguhan kung gumalaw ang presyo ng langis sa ating bansa eh araw-araw ay nagbabago ang bentahan ng krudo sa pandaigdigang pamilihan?

Sa Amerika, araw-araw ay nagbabago ang presyo ng ­langis pero sa atin lingguhan kaya lalo kang magdududa kung eto ba talaga ang tunay na presyo na dapat bayaran
ng mga consumer.

Sabi ng mga nasa oil industry, nagsimula lang ang lingguhang galaw ng presyo ng ­langis sa bansa noong panahon ni dating Energy Secretary Angelo Reyes sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.

Ang problema, imbes na magbaba agad ang mga ­kumpanya ng langis tuwing bumabagsak ang halaga ng krudo sa world market, ay maghihintay muna sila ng isang linggo.

Ang nangyayari tuloy, ang mga produktong nabili sa murang halaga ay naibebenta nang mahal lalo na kapag nataon na tumaas ang krudo sa world market kaya ang lugi, ang mga consumer.

Dami nilang paliwanag ukol dito, pero hindi pa rin matanggap ng mga tao na ang langis na nabili ng oil companies sa murang halaga ay ibinebenta sa kanila nang mahal.

Hindi ko masisisi ang mga consumer na mag-isip na iniisahan sila dahil hindi naman isinasapubliko ng oil companies kung magkano ang ipinapatong nilang presyo dahil business secret daw.

55

Related posts

Leave a Comment