ESTRATEHIKONG PROGRAMA SA MGA ATLETANG PINOY

SIDEBAR

Pilipinas ang host country ng 30th Southeast Asian Games na magaga­nap sa Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11 sa may 39 na game venue sa Subic Freeport, New Clark City, Tagaytay at Metro Manila.

Huling nag-host ng SEA Games ang Pilipinas noong 2005 at sa 2019 SEAG ay 56 na sports at 523 events kung saan inaasahang hahakot ng mga medalyang  ginto ang mga atletang Filipino para muling makuha ang pagiging Top 3 sa medal tally.

Philippine Sports Commission ang pangunahing ahensya ng pamahalaan na nag-aalaga sa mga manlalarong Filipino at ito ay sa pamamagitan ng pagbibigay ng training facilities, monthly allowances at incentives sa mga nakakakuha ng medalya sa mga major sports competition.

Pero kung ang huling SEA Games sa Malaysia ang pagbabatayan, bagsak ang Pilipinas sa No. 6 na nakakuha lang ng 24 golds kumpara sa mga sinundan nitong bansa gaya ng Indonesia – No. 5 (38 golds); Singapore – No. 4 (57 golds); Vietnam – No. 3 (58 golds); Thailand – No. 2  (72 golds) at ang host country na Malaysia – No. 1 (145 golds).

Makikita rito na naungusan na ng mga bansang Singapore, Vietnam at Thailand ang Pilipinas na ang ibig sabihin ay wala talaga tayong estratehikong prog­rama para sa mga atletang Pinoy kung kaya patuloy ang pagbagsak ng puwesto ng Pilipinas sa SEA Games.

Sa mga kumakandidatong senador, si dating Special Assistant to the President Christopher Lawrence “Bong” Go ang nariringgan pa lang natin ng pangangailangan ng isang pinagbuting long-term sports development program na ang target ay ang mga atletang nagsisimula pa lamang na nakikitaan ng potensyal na maging medalist.

“Kailangan po talaga ng mas maigting na suporta mula sa gobyerno para ma-develop ang angking galing sa sports ng ating mga kabataang Pinoy, kaya naman po kung papalarin gusto kong isulong ang isang grassroots long-term sports development program,” paliwanag ni Go.

Bahagi ng legislative agenda ni Go sa Senado ang pagtatayo ng mga sports and youth development centers sa bawat munisipalidad at syudad sa pakikipagtulungan ng mga lokal na pamahalaan sa buong kapuluan.

Base sa panukalang programa ni Go, ang mga sports and youth development centers ay magbibigay ng libreng pagsasanay sa sports training at libreng paggamit ng mga sports at gym equipment. Magbibigay din ang mga center ng pagsasanay kung papaano magtayo ng maliit na negosyo kaya hindi lang sportsmanship ang matututunan ng kabataan kundi pati ang pagkakaroon ng disiplina at teamwork.

Ito ang sabi ni Go: “Hindi lamang po ito basta sa sports. Bukod sa magkakaroon ng disiplina ang ating mga kabataan, mailalayo natin sila sa masasamang bisyo tulad ng ilegal na droga. Lagi ko pong sinasabi sa ating mga kabataan, mag-sports na lang kayo at huwag ninyong susubukan ang droga.”

Kung magiging senador si Go, kanya ring gagawing institusyon ang pagkakaroon ng annual sports caravan para lalong humusay ang performance ng mga atleta at kaakibat nito ang pagbibigay ng mga incentive sa mga nagwawaging atleta.

Sana nga ay maisakatuparan ang mga mungkahi ni SAP Bong Go nang sa gayon ay muling makaba­ngon ang Pilipinas sa sports at makamit nito muli ang dating posisyon nito sa SEA Games na palaging nasa Top 3 sa pinakamaraming hakot na medalyang ginto. (Sidebar / RAYMOND BURGOS)

421

Related posts

Leave a Comment