TATAAS NA NAMAN ANG SINGIL SA KURYENTE!

KAKAMPI MO ANG BAYAN TEDDY

Nagbabadya na naman ang mas mataas na si­ngil sa kuryente ngayong buwan dahil sa tinatawag nilang “Yellow Alert” na anim na ulit nang idineklara sa loob lamang ng buwan ng Abril. Dapat talagang maging listo ang mga consumer tuwing naglalabas ng babalang Yellow Alert ang Meralco dahil sa kadalasan ay hudyat ito na itataas ang singil ng kuryente dahil umano sa pagbaba ng supply.

Ang ginagawa ng ibang mga power players ay iuulat na sabay-sabay nasisira ang mga planta ng kuryente para sa pagtataas nila ng presyo.

Noong 2013, naghain ng TRO ang Bayan Muna nang magpataw sila ng P4.15/kwh na dagdag-singil sa kuryente. Nadiskubre ang pagtataas ng presyo noon ng Meralco at ibang players sa power industry. Pinanigan ng Korte Suprema ang TRO ng Bayan Muna, kaya naman suspendido pa rin ang pagbabayad ng dag­dag-singil na ito.

Hinihimok natin ang Department of Energy at ang Energy Regulatory Commission na maging mapagbantay sa power players.

Gayundin, dapat pagtuunan ng pansin ang mga pass-on charges na pinapataw sa mga consumer na i­lalim ng missionary charges. Sumulat ang Ba­yan Muna sa Commission on Audit na silipin ang pagtaas ng missionary charges ng P3.5 bilyon sa loob lamang ng isang taon, mula 2016 hanggang 2017.

Ang missionary charges ay para umano sa mga erya na hindi pa naabot ng elektripikasyon.

Kaya naman kataka-taka na papalaki ang missionary charges habang lumilipas ang mga taon, samantalang dapat ay papaliit ito habang nagkakaroon ng kuryente ang mga liblib na pook. Talaga namang kaduda-duda ito. (Kakampi Mo ang Bayan / TEDDY CASIÑO)

79

Related posts

Leave a Comment