EX-DA SEC. WILLIAM DAR SABIT SA KARTEL NG SIBUYAS?

KAALAMAN Ni Mike Rosario

DAPAT magpaliwanag si dating Department of Agriculture (DA) Secretary William Dar kung bakit namayagpag ang kartel ng sibuyas noong kapanahunan niya.

Ayon kay House Committee on Agriculture and Food Chairperson Cong. Mark Enverga, maraming tanong na dapat sagutin itong dating mga opisyal ng agriculture kasama si dating Sec. William Dar.

Nakapagtataka kung bakit umabot ng P700 ang kada kilo ng sibuyas sa panahon na si Dar ang kalihim ng agriculture department.

Sinabi pa ng mambabatas na unti-unting lumakas ang operasyon ni Leah Cruz na tinaguriang Sibuyas Queen, na kung saan ay nakontrol nito ang bentahan at presyuhan bago dumating ang Marcos administration.

Maging si Cong. Stella Quimbo ng Marikina City ay naniniwala na maraming dapat ipaliwanag si Dar kaugnay sa kinasasangkutan ni Cruz sa usapin ng Sibuyas.

Naniniwala ang dalawang mambabatas na hindi mangyayari ang kartel kung wala silang kasama sa gobyerno o hindi magtatagumpay ang kanilang operasyon kung wala silang kasabwat.

Lumabas sa siyam na pagdinig ng komite na nakagawa si Quimbo ng matrix kung saan natukoy ang koneksyon ni Cruz sa bilihan ng lokal at imported na sibuyas, kung paano ginagamit ang mga storage facility para mabarat ang mga lokal na magsasaka at kung papaano lilimitahan ang suplay ng sibuyas para tumaas ang presyo.

“I think this time mas malakas po ang ebidensiya na nagli-link na naman sa kanila,” ani Enverga.

Nakontrol ng grupo ni Cruz ang 68.74% ng kabuuang importasyon ng dilaw na sibuyas at 41% ng pulang sibuyas noong 2022.

Hindi direktang nag-aangkat ng sibuyas si Cruz, pero nagagamit nito ang mga kumpanya na mayroong kaugnayan sa PhilVIEVA na kanyang pagmamay-ari.

Sinabi ni Quimbo, klaro na patuloy siyang nag-i-import ng sibuyas sa kabila ng lahat ng mga pagtanggi nito (Cruz).

Ayon pa sa kanya, halatang nagsisinungaling si Cruz sa pagdinig ng Kongreso, kahit siya ay under oath.

Natuklasan din na bagama’t blacklisted si Cruz sa pag-import ng sibuyas ay nagagawa pa rin nito na makapag-import.

Dapat sa mga kasabwat ni Cruz sa mga opisina ay mabigyan ng pinakamabigat na parusa para hindi na sila pamarisan dahil kung hindi ay magiging paulit-ulit na lamang ito.

134

Related posts

Leave a Comment