PANGULO AT PANGGULO

SA naganap na laglagan sa Kamara, sari-sari ang lumabas na haka-haka. May mga nagsasabing target ni dating Pangulo at ngayo’y Pampanga 2nd District Rep. Gloria Macapagal Arroyo na palitan si House Speaker Martin Romualdez.

Meron din naman mas malalim ang pag-unawa sa kontrobersyal na balasahan sa Kamara. Taliwas sa mga haka-haka ng marami, hindi si Romualdez ang target ng grupong nasa likod ng destabilisasyon sa Kamara.

Higit na kilala si Arroyo sa pagiging mahusay na political operator. Katunayan, dalawang prominenteng politiko na ang kanyang nagawang sipain sa pwesto – si dating Pangulong Jose Ejercito Estrada noong Enero 2021 at si dating House Speaker Pantaleon Alvarez naman noong buwan ng Hulyo 2018.

Sa dalawang insidente, siya ang humalili sa pwesto.

Pero ano nga ba ang mahihita niya kung masilat niya ang liderato ng Kamara? May mga nagsabing isusulong ni Arroyo ang impeachment laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. – bagay na hindi mangyayari kung si Romualdez ang lider ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Ang siste, hindi naman siya ang hahalili sa trono sakaling magtagumpay ang plano.

Alinsunod sa 1987 Constitution, ang Pangalawang Pangulo ang pwede lang pumalit sa Pangulo sakaling pumanaw, magkasakit o matanggal sa bisa ng impeachment ng Kongreso. Tama, si Vice President Sara Duterte ang papalit sa pwesto.

At si Arroyo – malamang italaga bilang Prime Minister sa ilalim ng gobyernong Federalismo.

Sino nga ba kina Arroyo at Duterte ang promotor? Ang totoo, mahirap mapagtanto, maliban na lang kung may aamin sa hanay ng kanilang kaalyado.

Kapansin-pansin rin ang naganap na pagkikita nina Duterte at Arroyo ilang oras matapos magsumite ng irrevocable resignation sa partidong Lakas-CMD ang Pangalawang Pangulo.

Pero katwiran ni Arroyo, walang bahid pulitika sa kanilang pagkikita ni Sara. Nagkataon lang aniyang inanyayahan sila ng bilyonaryong si Manny Pangilinan sa isang pananghalian para ipagdiwang ang kanilang mga kaarawan.

Pero teka… hindi ba Abril 5 ang birthday ni Arroyo at Mayo 31 naman si Sara Duterte?

102

Related posts

Leave a Comment