FREE RIDE SA MRT, PNR, LRT ‘WAG LAGYAN NG TAKDANG ORAS

POINT OF VIEW

Nitong June 27, 2019 inihayag ni Department of Transportation Secretary Arthur Tugade na lahat ng estudyante ay makakasakay nang libre sa lahat ng tren na pag-aari ng gobyerno epektibo sa Hulyo 1, bukas.

Kabilang dito ang mga tren ng Philippine National Railways (PNR), Light Rail Transit Line 2 (LRT 2), Metro Rail Transit Line 3 (MRT 3). Hindi naman kasama ang LRT 1 dahil pribado ito.

Magandang balita ito para sa mga mag-aaral sa Metro Manila dahil makakatipid sila sa kanilang baon o yaong para sa pamasahe sana ay maaari nilang ipunin para mailaan sa ibang gastusin sa school tulad ng assignments, thesis at kung anu-ano pang projects.

Higit na makikinabang dito ay ang mga mag-aaral na talagang pilit na itinatawid ng mga magulang para makatapos ng pag-aaral ang mga ito. At ito lamang ang mga sasakyan na mabilis kang makakarating sa pupuntahan mo sa Metro Manila.

Maganda ang kosepto ng programa subalit bakit may takdang oras lamang ang nasabing benepisyo para sa mga estudyante?

Sa LRT 2 bukas lamang  mula 4:30am-6am at 3pm- 4:30pm. Habang sa PNR, ang free ride ay mula 5am-6am at 3pm-4pm. Samantala sa MRT-3 ay mula 5am-6:30am at sa 3-4:30pm.

Paano masasabi na lahat ng estudyante ay ililibre nila sa nabanggit na government trains kung may nakatakdang oras lamang sa pagsakay sa mga ito?

Nagmamagandang-loob na rin naman ang DOTr, eh, bakit hindi gawin na kahit anong oras na sasakay ang isang estudyante ay libre basta may ipakikita lamang na valid Student Free Ride ID o mas maganda kung student ID na lamang upang hindi na sila mahirapan na kumuha ng iba pang ID?

Kasi hindi naman pare-pareho ang oras ng pasok ng mga mag-aaral, lalo na ang college students.

Dapat itulad na lamang ito sa ibinibigay na 20% discount sa pasahe ng mga estudyante na walang partikular na oras para maka-avail sila sa nasabing programa basta may student ID lang.  (Point of View / NEOLITA R. DE LEON)

225

Related posts

Leave a Comment