(IKATLONG BAHAGI)
Nabanggit ko nang pahapyaw sa huling artikulo ang pagdanas ko ng bullying noong ako’y nasa elementarya. Malamang kung wala itong malalim na epekto sa aking pagkatao ay hindi ko na gaanong naalala o ‘di ko na binabanggit pa.
Pero ang sarili kong karanasan mismo ang magpapatunay na bagamat ‘di siya pinapansin noong mga unang dekada (kaya’t matututo kang umigpaw mag-isa lalo na kung hindi naman seryosong isyu ito para sa mga mata ng matatanda). Sadya ko namang hindi ipinaalam sa mga magulang ko noon dahil ayoko na silang mag-alalala pa.
Ang karanasan na iyon ay walang katawagan noon na gaya ng salitang nabanggit ko, na may sarili na ring depinisyon batay sa batas, ang RA10627 o Anti-Bullying Act of 2013.
At marahil, dahil sa karanasan na rin ng ibang napagdaanang ito na umaakma naman sa mga sinasabi ng maraming pag-aaral, naunawaan ang katotohanan ng mga malalim na dulot nito sa pag-iisip, pakiramdam, at kilos na pwedeng madala hanggang sa pagtanda ng mga nakakaranas nito. Napukaw ang kamalayan ng lipunan sa kahalagahan nito bilang isang panlipunang isyu, at ‘di lang personal, o pambatang usapin lang. Kaya’t naipasa ang nabanggit na batas.
Sa batas, maaaring ituring na bullying ang ginagawa ng isang kabataan o kaklase kung ito ay nakakasakit o nakakagulo, nakakasira sa kapwa. Maaaring ito ay sa pamamagitan ng pananalita, pagsusulat, o pananakit, harapan man, o kahit sa social media. Ilan sa mga naobserbahan ko na ay ang pananakot, pangingikil (inaagaw ang baon, o gamit, o pagkain), pangmamaliit, pinaparinggan o sinasabihan ng masasakit na salita, sini-siraan sa iba, pinagtutulungang kutyain, o sinasaktang pisikal.
Salamat sa aking mga magulang, baka malakas lang talaga siguro ang “naturalesa” ko, kung gagamitin ko ang madalas kong marinig sa mga matatanda sa amin noon. Salamat din sa aking kuya (na nasa bahay ng ilang linggo dahil sem-break nila noon) na sobrang istrikto at parang bully na rin sa tahanan.
Panahon na naman ng eskwela. At maraming kaso ng bullying ay sa konteksto ng paaralan nagaganap. Kaya ko isinusulat ito bilang paalala sa mga magulang na tsek-tsek din sa mga anak ‘pag may time. Makisangkot sa kanilang buhay-mag-aaral para alam kung ano nangyayari sa buhay nila. (Psychtalk / EVANGELINE C. RUGA, PhD)
129