GAME NA!

KAPE at BRANDY ni Sonny T. Mallari

ISANG malaking karangalan ang maimbitahan akong magsulat ng kolum sa pahayagang iginagalang ko. Peryodista ako.

Naging bahagi rin ako ng radyo at telebisyon. Kung buhay ang Daddy ko, malamang ay nagyayabang siya sa mga kaumpugan niya ng bote ng ice-cold SMB dahil ang anak niyang college dropout, dating tambay, drug addict, alcoholic at parbol ay nasa larangan ngayon ng pamamahayag. Ibig sabihin nito, walang permanenteng ikot ang buhay ng tao sa mundo.

Puwedeng magbago ang direksyon. Oldie na ako, 70 na. Pero sabi ni kumander ay kalabaw lang ang tumatanda. May balasik pa. Yahoo!

“Booze-free” na ako pero bakit “Kape at Brandy” ang pangalan ng kolum ko? Sila kasi ang perfect match sa buhay ko noon. Pero tinalikuran ko na. Parang silbing paalala lang.

#########

Sabi nila ay respetado ang aming propesyon. Whoa! Ngunit tinatarget naman kami ng mga diyos-diyosan sa lipunan dahil naputikan daw ang kanilang kagalang-galang na pagkatao resulta ng aming panulat.

Isa ang Pilipinas sa mga bansang mapanganib sa sinomang mamamahayag. Marami na ang pinatay at pinagtangkaang itumba. Marami ang kinasuhan at tinatakot ng libelo para patahimikin. Nagpapatuloy ito hanggang sa kasalukuyan. Mabuti na lang at ang boss tsip ngayon ng Presidential Task Force on Media Security, si kosang Paul Gutierrez, ay isang matapat na kasama sa propesyon. Agad siyang tumitindig kapag may kakosang nanganganib o napapahamak. Gayundin ang National Union of Journalists of the Philippines (NUJP).

Ibang klase ang aming mundo. Masaya kahit may intrigahan, puno ng hamon, mapanganib at…sabi ko nga, madugo.

Ambush survivor ako. Way back 2007 ay tinarget ako ng “riding-in-tandem” (hindi pa ginagamit ang termino noon). Pinutukan ako ng kalibre .45 sa tabi ng kotse ko. Dalawang beses. Tumama ang isa sa tagiliran ko. Hindi pa nakuntento. Pumunta ang motorsiklo sa unahan ng sasakyan. Muling itinutok sa akin ang baril at paulit-ulit itong kinalabit. Totodasin talaga ako. Pero dahil sa aking taimtim na pagdadasal habang hawak ng isang kamay ang munting imahe ni Santo Niño na kinuha ko sa dashboard ng kotse, hindi pumutok ang baril. Bumatangal. Sumibat na ang kriminal. Naghimala sa akin ang langit.

‘Yung isang bala na tumama sa akin, nasa likod ko pa ang tingga. Isang tuldok ang lapit sa spinal column. Pero ibinasura ng korte ang kaso. Hindi na ako naghabol. Kinalimutan ko na ang yugtong ‘yun sa buhay ko. Pinatawad ko na ang mga nagtangkang pumatay sa akin. Ito ang bulong sa akin ni Santo Niño. Amen!

#########

Now, pitikan na?

Nope!

Ayaw kong simulan ang unang kolum ko na parang naghahanap agad ako ng kagalit. Nasa likod ko kasi si misis habang nakaharap ako sa desktop computer sa loob ng aming kwarto at binubuo ang piyesang ito. Binabasa yata. Parang may nakaambang sapok. Una dito ay nagsabi ako sa pamilya na magsusulat ako ng opinion column. Kako, maglilibang lang ako. Ang sagot ng esposa: “Kung libangan, dapat ay showbiz ang paksain mo!” Napabunghalit ako ng tawa.

Next kolum, game na!

Ciao!

74

Related posts

Leave a Comment