GINAGAMIT LANG PAPOGI ANG BIGAS

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

SESERTIPIKAHAN daw na urgent ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang panukalang amyendahan ang Republic Act No. 11203 o ang Rice Tariffication Law.

Sabi ito ni House of Representatives Speaker Ferdinand Martin Romualdez, na kuntodo pabida na pupunta siya sa Malacañang at ikokonsulta sa Pangulo ang posibleng pag-amyenda.

Ngunit, iba ang maaari sa tunay na mangyayari. Kahimanawari lang ata ang sigla ni Speaker.

Kung aamyendahan daw ang RTL, mas mura ng P10 hanggang P15 na lalapit sa P30 kada kilo ang pagbebenta ng NFA ng bigas.

Pero ang ibinibida ni Romualdez na P30 kada kilong bigas na posibleng simulan daw sa Hulyo ay hindi para sa buong bansa kundi sa piling lugar lang.

Aniya pa, ayaw ng Pangulo na magdusa ang mga tao kaya magiging prayoridad niya ang pag-amyenda sa nasabing batas.

Suportahan naman kaya ng Senado ang inisyatibo ng Mababang Kapulungan o matulad ito sa panukalang legislated wage hike na hindi napagkasunduan kung magkano?

Sige, kailangang maibalik sa NFA ang pagbebenta ng mas murang bigas, pero ano na naman ang epekto nito sa mga nagbebenta ng commercial rice?

Kailangan daw, sabi pa ni Speaker, na gawin nila ito dahil atas ng Pangulo na gumawa sila ng mga paraan na ibaba ang presyo ng bigas.

O, ‘di natabunan na naman ang pangako at aspirasyon ni PBBM na maibaba ang presyo ng bigas sa P20 kada kilo.

Ilaan n’yo na lang ang buffer stock ng bigas sa mga ayuda, na siya namang sandalan ng pamahalaan, mga lider, opisyal at ibang may poder para makatulong daw sa mahihirap.

Gustong bingwitin ang suporta at papuri ng masa kaya bigas ang ginagawang patuka.

o0o

Wala raw nangyayaring artificial crisis sa mga planta ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).

Sabi ito mismo ni Pangulong Marcos Jr. matapos ang sunod-sunod na yellow alert at red alert kamakailan.

Tumaas lang daw ang konsumo ng kuryente sa bansa dahil sa matinding init ng panahon.

Ayan, siniguro naman ni PBBM na nakabantay ang gobyerno nang malaman kung ano ang nararapat na aksyon sa epekto ng manipis na reserbang kuryente sa patay-sinding nararanasan ng publiko.

Kasama rin daw sa binabantayan ang presyo ng enerhiya na posibleng tumaas dahil sa biglang paglobo ng konsumo.

Hanggang monitoring lang ba ginagawa ng gobyerno sa kalagayan ng kuryente?

Hindi naman siguro talagang nagtataas ang presyo ng kuryente kundi ang binabayaran ng konsyumer.

Simpleng paliwanag: tumaas ang bayarin dahil nadagdagan ang konsumo ng mga konsyumer dulot ng matinding init ng panahon.

Ano ang estratehiya na dapat gawin ng gobyerno?

‘Wag naman sana monitoring ang gawin. Walang magagawa ang pagsubaybay para sa ikahahayahay ng mamamayan.

Puro na nga lang monitoring at pagsukat ng heat index ang ginagawa, sana naman sa usaping kuryente ay huwag nang makuryente ang publiko sa totoong ginagawang remedyo ng gobyerno.

36

Related posts

Leave a Comment