GOODBYE, DIGONG

DPA Ni BERNARD TAGUINOD

MULA sa araw na ito, Sabado, anim na araw na lang lilisanin na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Palasyo ng Malacañang na kanyang ­naging tirahan sa nakaraang anim na taon.

Noong 2016, napuno ng pag-asa ang mga Filipino nang mahalal si Digong bilang ika-16 na pangulo ng bansang ito dahil sa kanyang political will at pangako na sa loob lang ng 3 hanggang anim na buwan ay reresolbahin nito ang mga problema ng mga Pinoy.

Kabilang na dyan ang ilegal na droga kaya bago pa man siya naupo ay nagpakitang gilas na ang mga pulis at inilunsad ang ­anti-illegal drug war at sangkatutak ang nahuling mga adik.

Lalong umigting ang Oplan Tokhang nang pormal na siyang maupo bilang pangulo at sinuportahan ng mga tao dahil nawala ang mga adik sa kanilang lugar na pumepeste sa kanila araw-araw.

Araw-araw ay may namama­tay na adik at tulak sa bansa at kung pagbabasehan ang report ng mga militanteng grupo, mahigit 30,000 katao ang namatay kasama na ang mga napaslang sa police operations at ng riding in tandem.

Nasira lang ang diskarte ni Digong nang sa kasagsagan ng kanyang war on drugs nakalusot ang shabu shipment sa Bureau of Customs na nagkakahalaga ng P11 billion. Walang naparusahan na matataas na opisyal dito ha, at walang drug lord na maiksi ang pangalan ang napatay.

Pero sa kabuuan, natuwa ang mga tao sa war on drugs dahil nawala ang mga adik na nanghoholdap, nanggagahasa, nanggugulo, nangungursunada at pumapatay nang walang dahilan, hindi lamang sa Metro Manila kundi sa buong bansa.

Ipinangako rin ni Digong na sa loob ng 3 hanggang 6 na buwan reresolbahin nito ang trapik sa EDSA. Hindi nangyari dahil hindi ibinigay ng Kongreso ang batas na kailangan niya para gawin ito.

Hanggang ngayon, palala nang palala ang sitwasyon sa EDSA at maging sa iba’t ibang lansangan sa Metro Manila kahit gumarahe na ang karamihan sa mga pampublikong sasakyan dahil masyadong mataas na ang presyo ng krudo.

Kasama rin sa ipinangako ni Digong ay lalansagin ang mga tiwali sa gobyerno pero mukhang mismong ang kanyang mga tauhan ay hindi siya pinaniwalaan kaya sinubukan ng ilang opisyal ng Bureau of Immigration na gumawa ng katiwalian at dahil sa Senado, nakulong ang dalawang BI officials at bago siya bumaba, sangkatutak na mga tauhan at opisyales ng BI ang kinasuhan at tinanggal sa puwesto dahil sa katiwalian sa pagpapapasok sa Chinese nationals na magtatrabaho sa mga Pogohan.

Sa kasagsagan din ng pandemya sa COVID-19, nasangkot ang ilan sa kanyang mga tauhan at mga supporter sa katiwalian sa pagbili ng medical supplies na gagamitin para proteksyunan medical personnel laban sa COVID-19.

Matatatak sa pangalan ni Digong ang Pharmally scandal na isang indikasyon na bigo siyang lansagin ang katiwalian sa gobyerno at ipakulong ang sino man kahit tsismis lang na tiwali ang mga ito.

Pero tapos na ang problema ni Digong. Magpapahinga na siya sa problema. Maggo-goodbye na siya sa public service at ­magiging Citizen Rodrigo na lang siya. Goodbye, Mr. President.

Related posts

Leave a Comment