GREAT MINDS UBOS NA?

DPA ni BERNARD TAGUINOD

MAY kumakalat na memes ukol sa pagkukumpara sa magagaling na naging mga senador sa ating bayan sa ‘ilan’ sa kasalukuyang nakaupo ngayon sa Mataas na Kapulungan at posible pang madagdagan ang kanilang bilang kapag hindi nagbago ang mayorya sa mga botante sa 2025 midterm election.

Sa kumalat na memes sa social media na pinakamagatang “Filipino senators famous quotes,” nabanggit ang pangalan ng great minds tulad nina Jovito R. Salonga, Gerry Roxas, Ninoy Aquino, Lorenzo Tanada, Raul Roco, Miriam Defensor Santiago, Pepe Diokno at Claro M. Recto.

At pagdating sa incumbent senator na hindi na natin babanggitin, lyrics sa kanta na ipinanligaw niya sa mga botante noong nakaraang eleksyon ang kanyang ‘quotes’ na kung ako mismo ang senador na ito ay mahihiya ako sa aking sarili.

Wala pa ako sa ‘stage of acceptance’ na ubos na ang great minds sa ating bansa lalo na sa Kongreso, Mababa man o Mataas na kapulungan, dahil alam kong marami pa ang magagaling at hindi lang nakakaupo sa Senado o Kamara dahil hindi sikat at wala silang perang gagastusin sa eleksyon.

Pero kung ang takbo ng Kongreso ngayon ang ating pagbabatayan, mukhang wala nang natututunan ang mga tao sa mga mambabatas at bihira na sa kanila ang inspirasyon ng mga kabataan para sundan ang kanilang yapak.

Kapag panahon ng kampanya, kinakantahan na lamang at sinasayawan na lamang ng mga kandidato ang mga botante at presto, iboboto na sila hindi tulad daw noon na sa plataporma naglalabanan ang mga naglalaban sa posisyon.

Pagdating sa plenaryo, wala ka nang makikitang mainitang debate at scripted na ang lahat kapag may nagpi-privilege speech at ayaw ng karamihan sa kanila ang ma-interpellate na isang patunay na hindi nila alam ang kanilang pinagsasabi.

Napapansin ko, kapag may senador o congressman na nagpi-privilege speech, ayaw magpa-interpellate maliban kung may kasabwat na siyang mag-interpellate at kunwari magtatanong pero ang mga tanong na ‘yun ay isinubo sa kinasabwat na interpolator.

Pero kapag hindi na kasabwat ang interpellator, hindi na ie-entertain ng nag-privilege speech dahil baka may mga tanong na hindi niya masagot at walang sa script na hawak. Aminin man nila o hindi, nangyayari ‘yan sa Kongreso.

Hindi tulad noong mga unang Kongreso na nai-record na walang script. Kailangang handa ka kapag nag-privilege speech ka dahil hindi uso ang sabwatan noon at dapat masagot mo ang tanong ng interpellators at maidepensa mo ang paniniwala mo sa plenaryo ng Kongreso.

Isa ‘yan sa mga dahilan noon mga unang Kongreso kung bakit nagkakainitan ang mga mambabatas dahil pinaninindigan ng nag-privilege speech ang kanyang paniniwala at hindi rin basta-basta isusuko ng interpellators ang kanilang paninindigan.

Pero dahil diyan maraming natutunan sa kanila ang mga tao, hindi tulad ngayon na boring at parang pelikula lang ang dating kapag may nagsasalitang mambabatas at pupurihin pa sila ng interpelator nila pagkatapos ng kunwaring debate.

34

Related posts

Leave a Comment