GULANGAN NAGSIMULA NA

DPA ni BERNARD TAGUINOD

ANG Pilipinas daw ang may pinakamahabang Christmas season dahil pagpatak ng September 1, marami na ang nagpapatugtog ng Christmas songs, marami na ang nagdi-display ng Christmas lanterns at saka lang inaalis pagkatapos ng pagdiriwang ng Three Kings.

Pero walang binatbat ‘yan sa election season sa Pinas dahil mahigit isang taon bago ang aktuwal na halalan ay mararamdaman mo nang malapit na talaga ang halalan dahil sa mga politikong nagpaparamdam kahit hindi pa sila naghahain ng kanilang certificate of candidacy.

Kung napapansin niyo, ang daming mga poster ng mga politiko ang nagkalat sa mga lansangan sa Metro Manila na bumabati sa graduates, kunwari pinasasalamatan ng mga tao dahil sa kanilang umano’y nagawa pero ang larawan at pangalan ay mas malaki kaysa mga letra ng mensahe.

Panggugulang ito sa ibang kandidato na walang kakayahang gumastos sa pagpapagawa ng mga poster. Hindi biro ang gastos dyan dahil buong bansa ang kanilang postering lalo na ‘yung mga kandidato sa national position.

Kung ngayon pa lamang ay nanggugulang na ang mga politikong ito, palagay niyo magiging tapat sila sa taumbayan kapag sila ay nahalal. Kung ngayon pa lang ay nanggugulang na sila, walang dahilan para gulangan nila ang mga tao kapag nahalal sila.

Isa sa mga panggugulang na ginagawa ng mga politiko ay ‘yung maglalagay ng pinakamaganda nilang larawan na karaniwan ay pino-photo shop sa kanilang poster. Dyan pa lang, hindi na sila nagpapakatotoo.

Maraming politiko ang naglalagay ng picture nila noong college pa sila sa kanilang poster pero sa katotohanan ay matatanda na sila at malayong-malayo na ang kanilang hitsura, pero picture nila noong virgin pa sila ang inilalagay nila sa kanilang poster.

Dyan pa lang ay dapat nang kuwestiyonin ang integridad ng mga politikong ‘yan dahil kung sa kanilang itsura ay hindi sila nagpapakatotoo, paano sila magpapakatotoo sa taumbayan na kanilang paglilingkuran?

Akala siguro ng mga politikong ito, matutuwa ang mga tao sa kanilang maagang pangangampanya. Ang totoo, marami ang nasusuka sa kanila lalo na sa kanilang mga larawan at mensahe na alam naman ng lahat na walang katotohanan.

Marami ang nababanas sa kanilang ginagawa dahil pinarurumi nila ang paligid at dinadagdagan nila ang inis ng mga tao na naiipit sa trapiko.

Maaaring sabihin ng mga politikong ‘yan na hindi sila ang may pakana dyan kundi ang kanilang supporters. Katwiran na lagi na lamang ginagamit tuwing kinukwestiyon ang kanilang panggugulang.

Pero kung supporters lang nila ang gumawa at gumastos, maaari nilang utusan ang mga ‘yun na tanggalin ang kanilang mga poster para hindi masuka ang mga tao sa kanila pero hindi naman nila nagagawa.

Ang problema naman kasi sa ating batas, laging may butas kaya napaiikutan ng mga magugulang na pulitiko na walang hangad kundi maluklok sa kapangyarihan dahil kapag may power, may money, ganoon ba?

35

Related posts

Leave a Comment