HAKA-HAKA NI GADON

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

TINALBUGAN ng ‘haka-haka’ ni Gadon ang ‘hindi ko maalala’ ni Alice Guo.

Katunayan, ang dami nang meme na bumubuhos sa social media na may kinalaman sa haka-haka ni Presidential Adviser for Poverty Alleviation Sec. Larry Gadon.

Naturingan kasing adviser at czar hinggil sa kahirapan pero ang solusyon para mabawasan kung hindi man mawala ang naghihikahos sa buhay, ay ang kontrahin ang mga nagsasabing napakahirap ng kanilang buhay.

Ayon kay Gadon, hindi totoo ang sinasabing napakahirap ng buhay sa bansa dahil kung titingnan ay napakaraming tao sa mall, marami ang kumakain sa fastfood chain at napakaraming kotse sa mga kalsada.

Pinatutsadahan din niya ang mga tsuper na tumatambay sa beerhouse pero pag-uwi at walang pagkain ay magagalit at magrereklamo dahil walang kwenta ang gobyerno.

Iyan ang punto de vista ni Gadon na ang pananaw ay ibinase lamang sa katiting na piraso ng tunay at buong larawan ng kahirapan sa bansa.

Takaw-pansin itong si Gadon para masabing ginagawa ang trabaho bilang poverty alleviation czar.

Hindi paninira ang pagsasabing naghihirap sila. Ito ay reyalidad na dapat silipin at bigyan ng sapat na atensyon ng gobyerno. Hindi rin ito paninira sa pamamalakad ng administrasyong Marcos.

Kasi ba naman, kapag nagpahayag ng hinaing ang mga tao ay ikakabit dito ang “puro reklamo, puro paninira” at iba pang taguri na parang gustong magbusal sa nguso ng publiko para huwag nang magsalita.

Aba, dapat bumaba si Gadon sa silya at galugarin ang bansa nang makita niya ang pamumuhay ng mga tao. Huwag naman sanang ituon lang ang atensyon sa maraming kotseng nagliliparan, maraming taong nagsisiksikan sa mga kainan.

Tingnan niya ang hapag-kainan ng mga nasa laylayan. Huwag niyang lagyan ng piring ang mga mata sa mga palaboy at nagpapalimos sa lansangan at walang masilungan.

Ang siste, dumepende rin sa estadistika na nagpapakitang bumaba ang bilang ng mahirap.

Siya, haka-haka lang kahirapan sa Pilipinas. Kung iyan ang tingin ng kalihim ay pagbigyan na lang muna.

Kung sa tingin ng kalihim ay haka-haka ang kahirapan ay ano pa ang ginagawa niya sa departamento. Ano pa ang silbi niya?

Ang dapat marinig kay Gadon ay nakaka-inspire namang payo para maibsan ang pasang kahirapan ng mamamayan.

‘Yung payong matino. Huwag ‘yung haka-haka din lang.

Haka-haka tuloy ng iba, baka maudlot ang P3 bilyong ayuda sa mahigit 1 milyong benepisyaryo na nilarga ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, kasama si President Ferdinand Marcos Jr.

Mabuti at natuloy naman dahil sa totoo lang maraming kinabahan.

Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) ‘yan ha at sa isang araw lang ipinamudmod. Ayan, may kredong “One Day, One Million, One Nation,” kaya dapat mayakap ng mga benepisyaryo ang programang AKAP.

Hindi ‘yan haka-haka na pwedeng maglahong parang bula.

Mabalik tayo sa kontrobersyal na alkalde ng Bamban, Tarlac. Sa totoo lang, mas maraming naniniwala ngayon na Chinese at hindi Pilipino si Mayor Alice Guo.

Sabi ni Senate Minority Leader Koko Pimentel, nalilihis ang imbestigasyon ng Senado dahil ang pakay talaga ay uriratin ang kaugnayan ng alkalde sa POGO.

Ang isyu raw ng citizenship ni Guo ay dalhin na lang sa korte. Bagaman may punto siya, hindi naman maipagkakailang magaling ang diskarte ni Senador Risa Hontiveros dahil sa pag-urirat niya ay umusbong ang napakaraming tanong kung sino ba si Mayor Guo at saan siya galing.

Hindi tuloy naiwasan sa social media na pagkumparahin ang hearing nina Senador Bato dela Rosa at Hontiveros.

Sabi ng netizens, dapat madalas ang mga hearing sa Senado na ipinalalabas sa telebisyon at social media platform, kasi dito raw nila nakikilatis nang husto mga senador at nakikita nila kung sino ang may sustansya at sino ang SABAW!

81

Related posts

Leave a Comment