HALIMBAWA NG PAGIGING REAKSYONARYO NG GOBYERNO ANG TUBIG

DPA ni BERNARD TAGUINOD

ISANG halimbawa na pagiging reaksyonaryo ng gobyerno ang problema sa tubig na kapag panahon ng tag-init lang napag-uusapan at kapag lumipas na ang summer at sangkatutak na ang ulan, nakalilimutan na ang problema.

Hindi lang itong gobyernong ito ang pinag-uusapan natin dito ha, kundi halos lahat ng nagdaang administrasyon at sa dami ng naging pangulo ng bansa, wala sa kanila ang nakaresolba sa kakulangan ng supply kapag summer season.

Mantakin niyo, napaliligiran tayo ng tubig pero problemado tayo sa supply dahil walang tuloy-tuloy na programa ang gobyerno kung paano maiiwasan ang problemang ito sa ganitong panahon.

May mga mungkahi noon na ipunin ang tubig-ulan na sagana tayo kapag panahon ng tag-ulan pero walang sumeryoso sa gobyerno at saka lang nagsa-suggest ng solusyon kapag kinakapos na tayo ng supply.

Laging katuwiran ng gobyerno na walang sapat na pondo pero may pera sa pet projects at programa na bilyon-bilyon ang halaga at ilan lang ang nakikinabang at hindi ang buong bansa.

Kung seseryosohin ang pag-iipon ng tubig-ulan, baka kahit summer ay puwedeng makapagtanim ang mga magsasaka dahil karaniwan, sa ganitong panahon, walang tubig sa mga irrigation.

Napipilitan tuloy ang mga magsasaka na gumastos para matubigan ang kanilang sakahan sa pamamagitan ng deep well na ang takaw sa krudo pero hindi lahat ay may kakayahan kaya naghihintay lang sila ng ulan o kaya kapag nagkaroon na ng tubig ang kanilang irrigation bago makapagtanim.

Dito sa Metro Manila, ang problema kapag summer ay limitadong supply ng tubig bukod sa parang impiyerno ang init ng panahon pero hindi inoobliga ang water concessionaires na mag-ipon ng tubig-ulan para hindi kapusin ng supply tuwing panahon ng tag-init.

Umaasa lang ang water concessionaires sa mga dam na karaniwang bumababa ang lebel sa ganitong panahon kaya ang nasasakripisyo ay ang consumers.

Dapat isinama sa bagong prangkisa ng dalawang water concessionaires na ibinigay ng Kongreso at pinirmahan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte bago siya bumaba noong 2022, na dapat ipunin nila ang tubig-ulan at huwag lang umasa sa mga dam.

Habang tumatagal, parami nang parami ang mga nangangailangan ng tubig dahil palaki nang palaki ang populasyon ng Pilipinas kaya dapat may ibang pinagkukunan ng tubig ang Maynilad at Manila Waters.

Hindi dapat laging umasa ang mga ito sa mga dam para hindi mawalan ng tubig ang mga irrigation na mahalaga para hindi tayo kapusin ng pagkain at hindi makapagsamantala ang hoarders, importers at smugglers ng agricultural products.

Sa mga probinsya, hindi naman umaasa ang mga tao sa mga water district sa kanilang municipality dahil mayorya naman sa kanila ay sa poso kumukuha ng tubig.

 

Dangan naman kasi, napakamahal ng singil ng mga water district at ang supply, Dios ko, ang dumi at sa gabi lang malakas pero sa maghapon, walang tumutulo sa gripo kaya walang bahay na walang sariling poso.

314

Related posts

Leave a Comment