HANAPBUHAY SA PATAY, PINATAY!

PUNA Ni JOEL AMONGO

PERSONAL na dumulog sa PUNA ang pitong manggagawa ng Ambassador Funeral Homes na may branches sa Caloocan City at Valenzuela City para ireklamo ang kanilang kumpanya.

Ayon kay Samuel De Leon Arrojo, 34-taon nang nagtatrabaho sa nabanggit na punerarya na matatagpuan sa no. 257-259 A. Mabini St., C3 Road, Caloocan City, nitong nakalipas na ika-2 Linggo ng ­Disyembre 2022 ay kinausap sila ni Rutchel Cruz Bunyi, ­presidente ng Ambassador Funeral Homes, na sinabing hanggang katapusan na lamang ng Disyembre ang kanilang ­kumpanya at isasara na ito.

Dahilan ni Bunyi sa pagsasara, hindi na nila kayang bayaran ang pagtataas ng buwis na kanilang binabayaran.

Kasabay ng pagsasabing magsasara na ang kumpanya ay nangako siya na babayaran naman nila ang kanilang mga empleyado sa nararapat nilang mga benepisyo.

Nangako rin si Bunyi sa kanilang mga empleyado na muli silang magkakaroon ng pag-uusap para sa kaukulang mga benepisyo na kanilang ibibigay sa mga manggagawa.

Mula noon ay hindi na ­muling nagparamdam si ­Bunyi sa pitong manggagawa sa halip ay ipinabigay niya na lamang kay Dansel (kamag-anak niya) ang 13th month ng mga ­nagrereklamo.

Si Mang Samuel ay nakatanggap ng P9,500 13th month pay sa pamamagitan ni Dansel.

Siya ay may P500 arawang sahod mula sa Ambassador ­Funeral Homes at umabot na ng 34 taong ang kanyang ­paninilbihan sa naturang ­kumpanya.

Si Daniel Valencia naman ay nagsimula maging regular sa Ambassador Funeral Homes noong 2007 na may arawang sahod na P500.

Nakatanggap lamang siya ng P6,300 13th month pay mula rin sa kinatawan ng kumpanya na si Dansel.

Kasama rin napangakuan ni Bunyi na makatatanggap ng kaukulang mga benepisyo ang lima pang mga empleyado ng kumpanya na sina Dante Velasco Carillo, Alex Nepomuceno Custudio, Eduardo de Leon Arrojo, Ariel Ibis Carillo at Diodel Cabagton Irinco, na pawang nagsilbi sa Ambassador Funeral Homes ng 15 hanggang 34-taon.

Kung pagbabasehan sa ­Regional Tripartite Wages and Productivity Board NCR ng Department of Labor and ­Employment (DOLE) Wage Order No. NCR – 22, ay wala sa minimum wage ang arawang sweldo ng pitong manggagawa ng Ambassador Funeral Homes.

Base sa Wage Order No. NCR – 22 ang pitong empleyadong nagrereklamo laban sa Ambassador Funeral Homes ay dapat may arawang sahod na P537.

Kaya nabuo ang P537 arawang suweldo ng mga manggagawa sa National Capital Region (NCR), mula sa Basic Wage/Integration of COLA na P512, at Basic Wage Increase na P25 kung kaya’t umabot ng kabuuang P537.

Ang Ambassador Funeral Homes ay korporasyon na pag-aari ng magkakapatid na sina Rutchel Cruz Bunyi, bilang president; Nimfa Cuenca, CEO; Marichu Santos, at Chona Fuertes na may branches na matatagpuan sa #257-259 A. Mabini St., C3 Road, Caloocan City; #272 General San Miguel, Sangandaan, Caloocan City at #77 San Diego St., Arkong Bato, Valenzuela City.

Ang mga manggagawa ng Ambassador Funeral Homes ay hindi naniniwala sa sinabi ni ­Bunyi na kaya sila magsasara ay dahil lugi ang kumpanya.

Kaya nananawagan sila kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., na matulungan sila dahil hindi nila alam kung paano sila magsisimula.

Sinikap ng PUNA na kontakin sina Bunyi at Santos na pawang nagmamay-ari ng Ambassador Funeral Homes Corporation, subalit wala silang reply sa ating text messages sa kanila.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa ­joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

51

Related posts

Leave a Comment