HANGGANG NGAWA LANG ANG KONGRESO?

DPA ni BERNARD TAGUINOD

KAHIT ilaan ng mga mambabatas sa dalawang kapulungan ng Kongreso ang kanilang buong panahon sa pagdinig ng mga katiwalian sa gobyerno tulad ng smuggling activities sa bansa, kung walang maparurusahan, hindi matatapos ang problemang ito,

Siguro kahit kayo ay sawang-sawa na sa walang puknat na imbestigasyon ng Senado at Kamara kapag nakaamoy sila ng anomalya pero wala namang naparurusahan.

Ang tanging inimbestigahan ng Senado na nagbunga ay ang pangingikil ng dalawang dating opisyal ng Bureau of Immigration (BI) sa isang Chinese businessman ng P50 million para sa kalayaan ng Chinese nationals na ilegal na nagtatrabaho sa mga pasugalan sa bansa.

Nasa kulungan na ang mga sangkot na sina dating BI Commissioner Al Argosino at Michael Robles at ang sibilyan na si Wenceslao Sombero, Jr., matapos silang masentensyahan ng habambuhay na pagkabilanggo dahil sa kasong plunder.

Pero bukod sa kanila ay wala nang naihawla lalo na sa pinaghihinalaang smugglers, cartel, price manipulators at hoarders ng agricultural products na pumapatay sa mga lokal na magsasaka.

Tulad na lamang nitong iniimbestigahan ng Kamara na hoarding at kartel sa sibuyas na unang inimbestigahan noong 2014 pero hanggang ngayon ay walang nasesentensyahan.

Parehong mga nilalang ang mga inimbestigahan noong 2014 at ngayong 2023 at may mga kasong naisampa na raw pero hindi umuusad dahil ang mga witness ng prosecution ay hindi sumisipot sa hearing.

Kung ganyan ang nangyayari, talagang hindi matatapos ang smuggling activities dahil iniisip ng smugglers na hindi naman sila makukulong dahil hanggang imbestigasyon lang naman ang mga mambabatas.

Katunayan, nadagdagan pa ang bilang ng pinaghihinalaang smugglers sa katauhan ng isang Michael Ma na ngayon lang narinig ang pangalan at konektado raw sa Malacañang.

Walang kapangyarihan ang Kongreso na mag-prosecute kahit makakita sila ng ebidensya na ang mga iniimbestigahan ay guilty sa anomalyang kinasasangkutan dahil ang tanging may kapangyarihan na magbaba ng sentensya ay ang korte.

Kahit ‘yung kaso ng Pharmally officials at mga dating hari sa Department of Budget and Management (DBM) na inimbestigahan ng dalawang kapulungan ng Kongreso, ay walang nangyari.

Malayang-malaya pa ang mga sangkot sa pagmamaniobra sa COVID-19 funds na inutang ng gobyerno at babayaran nating mga Filipino sa mahabang panahon. Masaya sila, tayo ang nagdurusa!

Masakit mang sabihin pero ngawa nang ngawa lang ang mga mambabatas pero walang follow-up sa kaso na kanilang inimbestigahan kaya siguro walang nakukulong, at magngangawa na naman sila kapag may nangyaring katiwalian na naman.

Malinaw na walang koordinasyon ang executive, legislative at judiciary kaya paulit-ulit na lamang ang problema at kung makagawa naman ang mga mambabatas ng batas, laging may butas na nagagamit ng mga tiwaling negosyante at mga kasabwat nila sa mga ahensya ng gobyerno para ituloy ang kanilang katarantaduhan!

30

Related posts

Leave a Comment