HAPPY NEW YEAR!

IPAGDIWANG natin ang katapusan dahil ang kasunod nito ay bagong kaganapan.

Nakapaghanda na ba kayo ng pang-Media Noche? Dalawang tulog na lang, bagong taon na. Kanya-kanya nang gimik at paghahanda ang publiko sa pagsalubong sa bagong taon.

Year of the Rabbit ang 2023. Ang rabbit ay simbolo ng kapayapaan, swerte, kasaganaan, tagumpay at taong puno ng pag-asa. Kaya, mapapansin sa kilos at gawi ng publiko ang kasiyahan at pananabik sa pagdiriwang ng Bagong Taon – ang panahong pansamantalang namamaalam sa isip ang pangamba, pag-aalala, at nakatuon ang atensyon sa pag-asa.

Nasa 9 mula sa 10 Pilipino ang positibo na haharapin ang bagong taon nang may pag-asa, ayon sa isang survey. Sa pag-asa kumakapit ang mga tao sa kabila ng dinaranas na hirap, krisis at hamon ng patalikod nang taon.

Sasalubungin ang Bagong Taon ng pagdiriwang na may kulay ng mga tradisyon na ang tinutumbok ay kapayapaan at kaginhawaan kaya hindi isinasantabi ang mga kaugalian na simbolo ng hinahangad na kalidad ng buhay.

Ilan sa mga tradisyon ng mga Pinoy kapag New Year ay ang pagsusuot ng may bilog tulad ng polka dots na salapi at swerte ang kahulugan. Ang mga bata ay lumulundag pagsapit ng alas-dose upang tumangkad. Dapat mayroong 12 bilog na prutas. Iniiwasan ang prutas na may tinik dahil ang tinik ay simbolo ng problema at hadlang.

Para sa pamilya ang Bagong Taon. Upang mahigpit ang bukluran ng pamilya ay nakagawian ang malagkit.

Hindi maaalis sa tao ang mga paniniwala at nakaugalian dahil lahat ay naghahangad ng maganda at tahimik na buhay.

Ang pinaka sa lahat na gawi ay ang pagsalubong sa Bagong Taon na maingay dahil magtataboy ito sa masasamang espiritu sa pagsulpot ng panibagong taon.

Kahit gumastos basta may torotot, fireworks at paputok kaya inaabangan ang makulay, ­maningning at bonggang New Year countdown.

Ngunit, higit sa lahat, sa likod ng pagdiriwang ay siguraduhin natin ang kaligtasan ng pamilya, kaibigan at ng bawat isa.

Mahalaga ang pagsasaya, ngunit higit ang kasiyahan kung tayo ay ligtas pagpatak ng bagong taon.

42

Related posts

Leave a Comment