HIGIT SA LAHAT, SWELDO DAPAT NAKABUBUHAY

IMINUNGKAHI ng isang mambabatas ang komprehensibong solusyon para matugunan ang kakulangan ng mga nurse at mapigilan ang pag-alis ng mga ito sa bansa.

Ayon kay 1st District Northern Samar Rep. Paul Daza, kabilang sa komprehensibong solusyon ang reporma sa licensure system, ang isyu sa ekonomiya dahil mas mataas ang sweldo ng mga nurse sa ibang bansa kumpara sa Pilipinas kaya kailangang isama ang usapin ng suweldo sa solusyong inilatag ng pamahalaan sa kakulangan ng nurse.

Ang sentro naman ng problema ay ang kikitain para guminhawa ang buhay. ‘Di na dapat lumayo o lumabas pa sa sirkulo. Sa usaping kabuhayan ng mga nurse ituon ang pansin. Ang problema kasi sa paglutas ng problema ay ayaw galawin ang pera kaya puro balangkas ang ginagawa.

Inihayag ni Daza na kada taon ay nakapagpoprodyus ang Pilipinas ng 80,000 nurses subalit 19,000 dito ay umaalis para magtrabaho sa ibang bansa, na isa sa mga dahilan ng shortage.

Ikinababahala ang kakulangan ng nurse at exodus ng mga ito, ngunit higit na nakaaalarma at tila may panunuya ang kondisyon at sitwasyon na halos kalahati ng mga rehistradong nurse ay iba ang trabaho.

Mayroong 951,105 rehistradong nurse sa bansa subalit 53.55% lamang o higit 509,000 ang nagtatrabaho sa mga medical institution at 442,000 ang wala o kaya may ibang trabaho.

Ayon ito kay Anakalusugan Rep. Ray Reyes, batay sa datos ng Professional Regulations Commission (PRC).

Punto ni Reyes, ito ay dahilan din para maalarma, at isa pang isyu na kailangang bigyan ng atensyon.

Ayon sa Department of Health (DOH), noong Oktubre 2022 ay nasa 106,000 ang kakulangan ng nurse sa bansa.

Sapat ang bilang ng mga nurse at kung lilimiin ang mga datos ay hindi magkakaroon ng shortage ng mga nurse.

Bakit napipilitan ang mga nurse na ibang trabaho ang pasukan?

Maraming dahilan. Sino dapat sisihin?

Iba man ang pinasukan, sobra o kapos man ang bilang pero baka ang kulang ay pananaw ng nasa pamahalaan.

82

Related posts

Leave a Comment