KAPAG pamilyar ka sa bayan ng Singapore ay tiyak na batid mong malaki rin ang suliranin nito pagda-ting sa malinis at maiinom na tubig. Tubig-alat kasi ang nakukuha mula sa ilalim ng lupa nito at wala naman itong mga malalaking mga lawa na maaaring pagkunan ng tubig-tabang.
Noong napadpad tayo sa bansang ito halos dalawang dekada na ang nakakalipas, napag-alaman natin na malaking bahagi ng pangangailangan nito sa tubig ay sinusuplayan pa ng kalapit nitong Malaysia.
Ang tanong eh bakit mula noon hanggang ngayon ay hindi natin nababalitaan na nagkakaroon ng water crisis na gaya ng Pilipinas na sandamakmak ang dami ng mga maaaring pagkukunan ng tubig-tabang?
Ang sagot eh simple lang: Advance mag-isip ang mga gumagawa ng mga polisiya at mga nagpapatupad nito sa bayan ng Singapore. Bago pa man maging problema ay ginagawan na nila ito ng solusyon hindi katulad sa Pinas na sa pagbibigay pa lamang ng solusyon ay nauuwi na sa bangayan.
And worse, ang mga suliraning pambayan na nangangailangan ng mga solusyong pang-imprastraktura ay ginagawa pang gatasan ng mga ilang opisyal ng pamahalaan.
Batid ng Singapore na habang lumolobo ang kanilang populasyon ay tiyak na lalaki rin ang pangangailangan nito ng malinis at maiinom na tubig. Ito ang dahilan kung bakit naging mahigpit ang Singapore pagdating sa paggamit ng tubig.
Maliban sa inaangkat nitong tubig, gumawa rin ang Singapore ng tinatawag na Local Catchment na siyang imbakan ng mga tubig mula sa ulan. Naglagay din ito ng mga water desalination plants upang ma-convert ang tubig alat sa tubig-tabang.
At upang matiyak na walang masasayang na tubig, mayroong tinatawag na NEWater o Highly-purified reclaimed water. Sa pamamagitan ng water treatment ay nare-recycle ng Singapore ang kanilang tubig, maging ang kanilang gina-gamit na pambuhos sa kanilang mga inidoro na maaari namang gamitin mula pang-shower or kaya ay panghugas ng pinggan. Sa katunayan ay ligtas pa nga umano na inumin ang kanilang tinatawag na NEWater.
Sa kabilang banda, ang Pilipinas na napapaligiran ng napakaraming mga watershed areas, mga ilog at mga lawa ay nagkakaroon ng water shortage! Oh ‘di ba parang mga tanga lang tayong mga Pinoy?
Bakit itong ating mga water concessionaires na gaya ng Manila Water at Maynilad ay hindi naglalaan ng salapi upang madagdagan ang ating mga pinagkukunan ng supply ng malinis na tubig?
Ito marahil ang problemang dulot ng ginawang privatization sa water utilities. Hindi natin aasahan itong mga pribadong kompanya na gumugol ng pondo hangga’t hindi matiyak ang agarang return of investment.
Hindi magawang maging proactive ang Manila Water at Maynilad sapagkat ayaw nilang magpalamang kahit ang nakasalalay ay ang kapakanan ng sambayanan. At kung patuloy na ganito ang umiiral na mindset nitong Manila Water at Maynilad, mas mabuti na nga sigurong ibalik na lang sa pamahalaan ang pagmamahala sa ating mga water utilities. (Bagwis / GIL BUGAOISAN)
88