HINDI DAPAT MAARTE ANG NFA

DPA ni BERNARD TAGUINOD

MAGANDANG balita sa mga magsasaka ang desisyon ng National Food Authority Council (NFAC) na bibilhin nila nang mas mahal ang mga aning palay ng mga magsasaka pero hindi sila dapat maarte.

Tiyak na matutuwa ang mga magsasaka kung bibilhin nga ng NFA sa halagang P30 ang kada kilo pero kailangan yatang malinis at tuyong-tuyo na ang palay na bibilhin sa halagang ito na imposible sa mga ordinaryong nagtatanim.

Ito ang sitwasyon sa baba na hindi alam ng NFA: Walang maayos na pasilidad para sa pagpapatuyo ng palay kaya ibinibilad ang palay sa kalsada at kapag natuyo na saka hinahakot at kung mamalasin ay nauulanan pa kapag ang anihan ay nasa huling bahagi ng taon na madalas na ang pag-ulan.

Dahil sa kalsada ibinibilad ang mga aning palay, hindi 100 percent na malinis ‘yan at ang pangunahing problema pa ng mga magsasaka ay nadudurog ang palay dahil sinasagasaan ng mga sasakyan.

Kaya kung 100 percent na malinis, tuyong-tuyo na at hindi durog ang palay na bibilhin ng NFA sa halagang P30 kada kilo, mukhang hindi makasusunod ang mga magsasaka dahil wala namang post harvest facilities.

Tanging ang middlemen ang may mga pasilidad kaya bumibili sila ng fresh o bagong ani dahil dagdag na gastos sa magsasaka ang magpapabilidad ng palay at higit sa lahat agawan sa kalsada kapag panahon ng anihan.

Ang tanong: dahil walang kakayahan ang mga magsasaka na makasunod sa kaartehan ng NFA, sa palay traders ba sila bibili para masiguro ang supply? Kung oo, ang makikinabang lang diyan ay ang mga negosyante at hindi ang mga magsasaka.

Kaya dapat hindi masyadong maarte ang NFA kung gusto nila sa kanila magbenta ang mga magsasaka ng kanilang ani dahil malamang ay makukuha ng palay traders ang palay dahil sila ang bumababa sa bukid hindi tulad ng NFA na malalayo ang kanilang bodega na pagdadalhan ng mga aning palay.

Dagdag gastos din kasi sa mga magsasaka ang transportasyon kaya kung saan ang malapit na palay trader ay doon sila magbebenta ng kanilang ani kaya talong-talo ang NFA pagdating sa bilihan palay.

Hindi rin malinaw kung anong variety ang bibilhin ng NFA sa halagang ito dahil sa ngayon, hindi lahat ng mga magsasaka ay nakatatanggap ng binhi na ipinamamahagi ng Department of Agriculture (DA).

Saka kailangang din na pautangin ng NFA ang mga magsasaka kung talagang nais nila na sa kanila ibebenta ang mga aning palay dahil karamihan sa mga bayani ng bukid ay sa rice traders sila kumakapit at nangungutang at ang kondisyon sa utang na ito ay huwag ibenta sa iba ang kanilang ani.

Hindi naman tatakbuhan ng mga magsasaka ang kanilang utang dahil wala magpapautang sa kanila kapag ginawa nila ‘yun o ibenta sa iba ang kanilang ani. Uso rin kaya ang maritesan sa rice traders kaya alam nila kung sino ang nangungutang na hindi nagbabayad o nagbebenta ng ani sa iba imbes na doon sa inutangan.

47

Related posts

Leave a Comment