KUNG may natutuwa, tiyak din na marami ang nagmamaktol sa usaping may kinalaman sa inaaral na muling paggamit ng face mask. Hati na naman ang sambayanan sa isyung ito na madali namang resolbahin kung agad na aaksyunan at dedesisyunan ng pamahalaan nang buong katatagan at katapatan.
Ngunit, hindi agad tinutugunan ng administrasyong Marcos Jr. ang ilang importanteng isyu na nakataya ang benepisyo, kapakanan, seguridad at kaligtasan ng mamamayan. Aantayin munang maglabas ng saloobin ang mga apektado bago kumilos. Kung ramdam na ang perwisyo saka na ihahakbang ang mga paa para tugunan ang epekto na kung inagapan sana ay hindi lalala.
Ang nangyaring paglaganap ng pandemya noon ay bunsod ng patumpik-tumpik na desisyon at aksyon ng nagdaang administrasyon. Ito ay sapat nang ‘aral’ para gawin ng nasa posisyon ngayon ang tamang desisyon. Ipakita nila ang tatag ng paninindigan, hindi ang mabuway na pangangasiwa na salamin ng hindi mabuting pamamahala.
Pero heto, pag-aaralan ng gobyerno kung ibabalik ang mandatory na paggamit ng face mask.
Sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., hihintayin niya ang magiging rekomendasyon ng Department of Health (DOH) at Inter-Agency Task Force kung dapat ibalik ang mandatoryong paggamit ng face mask.
Pero, malamang na isantabi ang paggamit ng face mask dahil higit na isusulong ang pagpapalakas ng vaccination roll-out lalo na sa mga kabataan para maagapan ang muling pagtaas ng kaso ng Covid.
May handa bang mga bakuna? Interesado ba ang publiko na muling magpaturok? Ito ang mga tanong na dapat munang bigyan ng tugon at tutukan sa pag-engganyo sa mamamayan na magpabakuna bilang proteksyon nila sa virus.
Ang face mask ang pinakasimple at murang paraan para masiguro ang kaligtasan ng publiko.
Hindi na kaya ng mga tao ang matinding init ng panahon ay mangangamba pa sila sa bagsik ng virus.
Habang hindi inaagapan ang isang problema, ito ay papatungan ng parating pang pasanin kaya lalawak ang suliranin.
Aksyon ang solusyon nang makabangon at ‘di mabaon sa siphayo ang publiko.
