HINDI PA TAPOS ANG PROBLEMA NG ABANDONED BALIKBAYAN BOXES SA BOC

RAPIDO NI PATRICK TULFO

HINDI pa tapos ang problema ng abandonadong balikbayan boxes sa Bureau of Customs (BOC). Sa pinakahuling panayam namin kay Director Michael Fermin, na siyang naatasan na humawak sa isyung ito, sinabi nito na dalawang Allwin containers (1140-1141) ang hindi pa nailalabas dahil sa bayarin sa Philippine Ports Authority na kanila na raw inaayos.

But the problem is far from over, dahil ayon sa mga kababayan nating dumulog sa aming programa sa isyung nabanggit, marami ang hindi pa naide-deliver at marami rin ang nawawalang mga kahon na kanila pang hinahanap.

Pinadalhan namin ng mensahe si Direktor Fermin kamakailan lamang na may kinalaman sa tanong ng OFWs sa amin, na talaga bang nanggaling daw kay Fermin ang mga mensaheng natanggap nila sa group chat nila? Kinumpirma naman niya ito at sinabi na dumiretso na siya sa group chats ng mga biktima upang agad na maiparating ang mensahe.

Inamin ni Fermin na medyo nahihirapan na sila sa malaking problema na iniwan ng consolidators na siyang nag-abandona ng mga padala ng mga kawawang OFWs.

Hindi pa kasama ang CMG cargo containers na nakatengga pa rin sa compound ng Manila International Container Port o MICP, sa mga nailabas na ng Bureau of Customs. Nasambit tuloy ng mga kababayan nating OFWs sa UAE na kailan pa kaya nila makukuha ang kanilang pinaghirapang mga padala?

Asahan naman na madadagdagan pa ang mga bilang ng consolidators na irereklamo sa programa namin dahil hanggang ngayon ay patuloy kaming nakatatanggap ng mga paghingi ng tulong mula sa kababayan nating OFWs sa Middle East. Ito po ay aming iisa-isahin upang agad na maipaalam sa Bureau of Customs para sa karampatang aksyon.

***

Nasolusyon na namin ang isyu sa pagitan ng mga miyembro ng DAMAPATODA sa Quezon City na inilapit sa amin noong huling bahagi ng 2022.

Ayon sa reklamo ng mga miyembro ng naturang grupo na nagtungo sa aming istasyon, kinuwestiyon ng mga ito ang mahabang termino ng kanilang presidente na mahigit isang dekada nang nakaupo at ang estado ng kanilang pondo na kinokolekta sa mga miyembro.

Abangan ang kabuuan ng istoryang ito sa aming video na ipo-post sa aming FB page na Rapido Ni Patrick Tulfo at YouTube channel na patricktulfoofficial.

 

147

Related posts

Leave a Comment