HINDI PA TAPOS KALBARYO NI PO1 GONZALES

RAPIDO NI TULFO

HINDI pa tapos ang problema ng dating pulis na si Wilfredo Gonzales na siyang sentro ng nag-viral na video nito lang linggo.

Makikita sa tinanggal na video ng uploader, na binatukan ni Gonzales ang siklista at kinasahan ng baril matapos na akmang babalikan siya nito.

Pero makikita rin sa video na nabanggit, na sinagi ng pulang kotse na minamaneho ng dating pulis, ang siklista na nasa kanyang linya.

Nagpakita si Gonzales kinahapunan sa opisina ng QCPD at nagbigay ng pahayag hinggil sa nag-viral na video.

Ayon dito, nangyari ang insidente noon pang Agosto 8 pero hindi naman nito idinetalye ang mga pangyayari at sinabi lang na nagkasundo na sila ng biktima ng araw ding ‘yun.

Sinermunan pa nito ang nag-upload ng video at mga vlogger na maging responsable raw ang mga ito.

Pero teka sino ba itong si Gonzales? Sa pahayag ni Quezon City Police Director B/Gen. Nicolas Torre III, isa raw retiradong pulis si Gonzales.

Ngunit sa panibagong mga impormasyon na lumabas, may kaso pala itong si Gonzales sa Office of the Ombudsman bago pa man ito magretiro noong 2016, at napatunayang guilty ito ng sumunod na taon, kaya hindi na nito makukuha pa ang kanyang mga benepisyo bilang pulis.

Tila bumawi naman si Gen. Torre sa mistulang pagpanig nito kay Gonzales noong Linggo at sa pinakabagong pahayag nito ay sinabing natanggal na rin sa kanyang trabaho si Gonzales sa isang ahensya ng gobyerno.

Pero hindi pa tapos ang kalbaryo ng dating pulis kahit ayaw nang magsampa ng pormal na reklamo ng siklistang kanyang sinaktan at tinakot.

Binawi na ng Firearms and Explosive Office ang lisensya at mga permit ni Gonzales at inutusan na isuko ang tatlong baril nito. (Isinuko na ito, ayon sa pinakahuling ulat – PT)

Sinuspinde na rin ng Land Transportation Office (LTO) ng 90 days o tatlong buwan ang lisensiya nito kaya hindi na muna ito pwedeng magmaneho ng sasakyan.

At ang pinakahuli, pinakakasuhan ni DILG Sec. Benhur Abalos sa PNP itong si Gonzales dahil sa insidente kahit pa ayaw ng biktima na magsampa ng kaso.

Maging leksyon sana sa mga katulad ni Gonzales ang mga nangyayari sa kanya ngayon.

363

Related posts

Leave a Comment