HINDI PANINIRA ANG PAGSASABI NG TOTOO

EDITORIAL

WALANG puwang ang batuhan ng putik at hatakan pababa sa Bagong Pilipinas.

Sinabi ito ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ilang araw matapos siyang akusahan ni dating Presidente Rodrigo Duterte na gumagamit ng ilegal na droga, at panawagan ni Mayor Sebastian Duterte na magbitiw na siya kasabay ng pagtawag sa kanya na tamad.

Sa kanyang YouTube channel, sinabi rin ni Marcos na dapat unahin ang kapakanan ng bansa at magbago na ang mga Pilipino dahil walang Bagong Pilipinas kung walang bagong Pilipino.

Nanawagan din si Marcos para sa kolektibong pagkilos tungo sa pagbabago sa pag-iisip, pananalita at gawa upang mapaganda ang bansa.

Ang panawagan ni Marcos ay may katuturan kung tunay ang kahulugan nito.

Mas maiging sa hanay muna nila umpisahan ang tugon sa kanyang kampanya.

Sa halip na sumabak siya sa batuhan ng putik ay nararapat na ituon niya ang atensyon sa kanyang trabaho bilang punong ehekutibo. Walang puwang sa pangulo at mga lider ng bansa na sumali sa labanang siraan at hatakan pababa.

Ang dapat munang magbago ay ang mga nasa puwesto, bago asahan ng pagbabago ang publiko.

Dapat ding limiin ng pamahalaan ang linyang naghihiwalay ng paninira at pagpapahayag ng katotohanan.

Ang reaksyon ng publiko sa nakikita nilang pagbalewala sa kanila ng gobyerno ay nababahiran ng pang-aasar dahil ito ang repleksyon ng kanilang saloobin para iparating ang kanilang hinaing.

Kailanman ay hindi paninira ang pagsasabi ng totoo at pagpuna sa ginagawa ng mga lider sa bansa.

Ang pagbabago at pag-unlad ng bansa ay dapat umpisahan ng mga politiko. Hindi tao ang magsasaayos nito tungo sa pag-asenso. Unahin ang kapakanan ng bansa bago kunin ang malasakit ng sambayanan.

35

Related posts

Leave a Comment