HINDI PINAGHANDAAN ANG EL NIÑO

DPA ni BERNARD TAGUINOD

BUKONG-BUKO ang gobyerno na hindi talaga pinaghandaan ang El Niño phenomenon kaya nagdurusa ngayon ang taumbayan dahil dagdag pahirap sa kanila ang mataas na presyo ng mga bilihin lalo na ang pagkain dahil sa kakulangan ng supply, at ang delikadong init ng araw.

Hindi naman biglang bumulaga na lamang ang El Niño na ito dahil ilang taon na itong ibinabala ng mga eksperto at nagrekomenda ng mga solusyon upang maibsan ang epekto nito lalo na sa agrikultura at supply ng pagkain.

Kabilang sa mga rekomendasyon ng Work Bank, ilang taon na ang nakararaan, ay maglaan ng malaking pondo para sa contingency measure tulad ng pagtatanim ng drought at flood-tolerant crops, palawakin ang grain storage capacity at mag-imbak ng pagkain upang hindi magkaroon ng shortage sa supply na nagiging dahilan ng pagtaas ng presyo, at higit sa lahat ay pondohan ang rural infrastructure tulad ng irrigation at water harvesting system.

Ginawa ang rekomendasyon noong 2019 pa matapos manalasa ang El Niño sa panahong na ito dahil ang prediksyon pagdating ng 2024 ay mas lalong lalala ang tag-tuyot pero malinaw na hindi pinaghandaan ng gobyerno.

Galing ako ng probinsya sa Cagayan, ang aking mahal na Bayan at nakita ko na walang dumaloy na tubig sa mga irrigation canal kaya nganga ang mga magsasaka hindi tulad ng Nueva Vizcaya na walang tigil sa pagtatanim at pag-aani ng palay at mga gulay ang mga tao dahil hindi nawawalan ng tubig ang kanilang irrigation.

Tanging ang Nueva Vizcaya ang buhay sa lahat ng mga lalawigan sa Pilipinas kaya noong Marso pa lamang ay mahigit P1 billion na ang nasirang pananim dahil sa El Niño at siguradong nadagdagan na ito at patuloy na madaragdagan dahil hanggang Mayo pa raw ang El Niño.

Wala man lang tayong naririnig na nagka-cloud seeding sila para kahit papaano ay maisalba ang mga pananim na hindi pa tuluyang nasisira dahil sa tindi ng init ng panahon at maiiwas ang mga tao sa sakit.

Ibig lang sabihin nito na hindi pinaghandaan ng gobyerno, hindi lang ngayon kundi ng nakaraang administrasyon, ang El Niño ngayong taon at ang tanong, handa rin kaya sila pagdating ng El Niña?

Ang problema sa Pilipinas lalo na sa mga lider natin, puro plano pero hindi naipatutupad ang plano dahil mas inuuna ng mga pulitiko na pondohan ang mga programang magpapasikat sa kanila kaysa sektor ng agrikultura.

Kahit mamigay kayo nang mamigay ng mga ayuda ay walang silbi ‘yan dahil panandalian lang ‘yan at isang bilihan lang ‘yan pero kung ginamit sana ang pondong iyan sa sektor ng agrikultura, baka hindi na kailangang mamigay ng ayuda.

Saka iilan lang ang nakikinabang sa ayuda na ‘yan pero dahil mas importante sa mga politiko ang kanilang political interest ay napapabayaan ang sektor ng agrikultura. ‘Yan ang mga lider natin! Ugh.

Ito namang National Irrigation Administration (NIA) ay wala kang naririnig sa kanila kahit sangkatutak ang kanilang pondo para tubigan ang irrigation. Parang pang-display na lang ang mga irrigation canal dahil wala namang tubig na dumadaloy.

50

Related posts

Leave a Comment